Gomez kumpiyansa na makakabalik si Viloria
MANILA, Philippines - Hindi balakid para kay trainer Ruben Gomez ang pagiging pamalit na trainer ni Robert Garcia para hindi maipanalo ang nagbabalik sa ring na si Brian Viloria.
Nag-uumapaw ang kumpiyansa ni Gomez na hindi lamang siya mana-nalo laban kay Mexican Omar Soto sa laban nila sa Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City kundi nakikita pa niya na makakabalik ang 29-anyos na si Viloria bilang isang world champion sa mas mataas na flyweight division.
“Brian is a world champion caliber being a two-time champion and he is ready anytime to fight for another world title,” wika ni Gomez nang dumalo sa press conference ng Boxing at the Bay IV sa Crown Plaza Galleria sa Ortigas, Pasig City.
Si Gomez ang kinuhang kapalit ng team Viloria, dating kampeon ng WBC at IBF light flyweight divisions, matapos umalis ang dating trainer na si Garcia ilang linggo matapos magsimula ng pagsasanay ang boksingerong tinaguriang “Hawaiian Punch.”
Si Garcia ay kasama ngayon ni Nonito Donaire Jr. na lalaban sa Puerto Rico kontra kay Hernan Marquez sa Hulyo 10.
Nagbitiw ng pahayag si Garcia na hindi pa dapat sumabak sa laban si Viloria dahil may iniindang sakit ito bagay na pinabulaanan ni Gomez.
Inamin niyang lumiban si Viloria sa dalawang training sessions pero wala na itong iniinda sa katawan at nasa magandang kondisyon. Ibinida pa nga ni Gomez na dalawang pounds na lamang ang lampas ni Viloria sa 112lbs weight limit sa non-title fight nila ni Soto sa Sabado.
“Skipping two days of training actually help my body to recover,” wika pa ni Viloria na nakaharap si Soto sa kaganapang inorganisa ng fight promoter Solar Sports.
Papasok si Viloria sa laban matapos ang inabot na panghihiya sa kamay ni Carlos Tamara ng Colombia nitong Enero nang matalo siya sa pamamagitan ng 12th round TKO sa Cuneta Astrodome upang maisuko ang hawak na IBF light flyweight division.
Tiniyak ng Fil-Hawaiian boxer na ibang Viloria ang masisipat ng mga manonood sa laban dahil naniniwala siyang ang flyweight division ang siya niyang tamang timbang upang mas makapagdomina sa ring.
Si Soto na isang 30-anyos boxer na dalawang beses na nagtangka at nabigo na maging world champion sa minimumweight at flyweight, ay may kumpiyansa rin na manalo kay Viloria. (ATan)
- Latest
- Trending