Pangilinan nanorpresa sa Shell active chessfest
MANILA, Philippines - Walang malaking nakakapuwing.
Ito ang pinatunayan ni Stephen Rome Pangilinan, ang pitong taong gulang na woodpusher mula sa Christian Ecclesiastical School sa Bulacan matapos niyang ipanalo ang lahat ng kanyang laban sa siyam na rounds ng kid’s division ng North Luzon Leg ng Shell National Youth Active Chess Championships na idinaos sa Cagayan Colleges sa Tuguegarao nitong Linggo.
Nasa ika-155th seed sa 194 kid wood pushers, binigla ni Pangilinan ang lahat matapos talunin sila Heirry Manaloto, third seeded na si Alder Jallorina, top seed na si Dave Cabida at No. 13 na si Charles Abuzo sa huling apat na rounds upang pangunahan ang 14-and-under division ng may 1.5 points.
Iniuwi rin ng tubong Bulacan ang 8-under award para sa ikalawang sunod na leg upang samahan sa grand finals ng chessfest na inisponsoran ng Pilipinas Shell sina 117th seed Marc Labog ng Solano National High School at 18th seed Paul Casiano.
Samantala, nakapagtala ng 2.5 points sa huling tatlong rounds si Vince Medina upang tumapos ng mayroong 7.5 points at pangunahan ang top 3 finish ng FEU-FERN sa juniors’ division sa torneong pinangangasiwaan ng National Chess Federation of the Philippines .
Ginupo ni ninth seeded Medina si Leonardo Abalos sa ika-anim na round, nakipagtabla kay Kevin Mirano sa ika-walong round bago biguin si Marfred Sanchez sa huling round upang mag-kampeon sa 20-under.
Ginulat ni Mirano si top seed McDominique Lagula sa sixth round at tinalo si Bernard Nilo Jr. sa last round upang tumapos ng may pitong puntos. Muli niyang ginapi si Lagula sa tie-breaking round upang angkinin ang runner-up trophy.
Nakapagtala si Lagula ng panalo sa huling round laban kay second seed Jan Galan upang makopo ang huling national finals berth na nakatakdang ganapin sa Oktubre sa SM Megamall .
- Latest
- Trending