Misor kampeon sa Mandaue leg
MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Misamis Oriental ang mabangis na laro sa 4th leg ng Tournament of the Philippines (TOP) matapos kunin ang 88-66 panalo sa ANI-FCA at maibulsa ang titulo na pinaglabanan nitong Biyernes sa Mandaue City Cultural and Sports Center.
Binuksan ng Meteors ang labanan sa pamamagitan ng 22-12 kalamangan sa unang yugto at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Cultivators para maisakatuparan ang adhikaing mangibabaw sa torneo.
“Produkto ito ng determinasyon at puso ng mga bata. Ayaw nilang mangyari uli ang nangyari sa amin sa second leg kaya todo talaga ng inilaro nila mula sa depensa hanggang sa opensa,” pagpupuri ni coach Jun Noel.
Ang higanteng si 6’8 Mark Andaya ay nagtala ng 12 puntos upang makasalo sa pangunguna sa koponan si Patrick Cabahug.
Si Andaya rin ang namuno sa matibay na depensa ng Meteors sa ginawang apat na blocks sa first half para agad na makapagdomina ang kanilang koponan.
Hinigitan naman ng MP Pacman GenSan ang larong ipinakita ng host Mandaue sa overtime para makuha ang ikatlong puwesto sa pamamagitan ng 87-74 tagumpay.
May 23 puntos, kasama ang 6 of 9 shooting sa tres, si Louie Medalla para pangunahan ang koponan na napantayan ang ikatlong puwestong pagtatapos na naitala sa second leg sa GenSan.
- Latest
- Trending