MANILA, Philippines - Hinigitan ng ANI FCA ang mabungang paglalaro sa 4th leg ng Tournament of the Philippines nang talunin pa ang host Mandaue, 74-65, nitong Huwebes para marating ang finals na nilalaro sa Mandaue City Cultural and Sports Center.
Kinakitaan ng katatagan ang Cultivators nang hindi bumigay kahit napag-iwanan sa unang tatlong yugto para wakasan ang kampanya taglay ang dalawang sunod na panalo sa tatlong laro sa eliminasyon.
Pumasok ang koponan sa laro laban sa Land Masters mula sa 104-82 tagumpay sa MP Pacman Warriors noong Miyerkules para sa unang panalo matapos ang 0-12 pinagsamang karta mula sa paglalaro sa PBL at sa TOP.
“Unti-unti ay nagbubunga ang mga paghihirap ang natututunan ng mga players sa paglahok namin sa mga torneo. Ngayon nakikita na ang kanilang maturity,” wika ni coach Arsenio Dysanco.
Si Ford Arao ay mayroong 16 puntos at 11 rebounds, Roel Hugnatan ay nagdagdag din ng 16 puntos habang si Boyet Bautista ang siyang namahala sa pagpapatakbo ng kanilang opensa sa huling yugto na kung saan nagbaga ang laro ng Cultivators.
Nagbagsak ng limang puntos si Bautista pero ang kanyang mga pasa partikular na kay Hugnatan ang siyang mga kumitil sa anumang hangarin ng Land Masters na makatikim ng panalo sa eliminasyon.
Ang entry pass ni Bautista para kay Hugnatan ang nagpatabla sa laro, 60-all bago ibinigay ni Bautista ang unang kalamangan sa split sa free throw sa foul ni Ardy Larong, 61-60, bago isang 6-0 bomba ang muling pinakawalan ng ANI upang tuluyan nang kumawala ang bisitang koponan.
Tiyak namang dadaan sa butas ng karayom ang ANI-FCA sa hangaring mapagharian ang yugto dahil hindi pa rin bumababa ang laro ng Meteors na dinurog ang Warriors, 99-73, sa unang laro.