Francisco kakasahan si Cazarez para sa WBA title

MANILA, Philippines - Nagsimula na ang negosasyon para mabigyan ng pagkakataon si Drian “Gintong Kamao” Francis­co na mapalaban sa WBA title.

Ayon kay Elmer Anuran ng Saved by the Bell Promotions, nagbigay na sila ng offer sa kampo ni Hugo Fidel Cazarez ng Mexico para magkalaban sila ni Francisco bago matapos ang taong ito.

Si Cazarez ang hari ng WBA super flyweight division habang si Francisco ang number one contender kaya’t malaki ang posibilidad na mangyayari ang sagupaan.

“Negotiation is now full blast,” wika ni Anuran. “Actually, they already submitted counter-proposal and I find it very positive.”

Mismong ang WBA pre­sident na si Gilberto Mendoza ang nagbigay ng go-signal para sa magkabilang kampo na mag-usap na.

Nakuha ni Francisco na hindi pa natatalo sa 19 laban kasama ang 15 KO, ang number one ranking nang talunin si Ricardo Nunez ng Panama sa pamamagitan ng 5th round TKO noong Abril 17 sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Nais ng kampo ni Francisco na sa bansa gawin ang laban pero handa sila kung sa ibang lugar idaos ang laban dahil sa paniniwalang may malaking laban ang 27-anyos tubong Sablayan, Occidental Mindoro na boksingero.

Bago mangyari ang la­bang ito ay dapat munang manalo si Cazarez sa kababayang si Everardo Morales sa Hulyo 3 sa Me­xico.

Unang pagdepensa ito ni Cazarez matapos aga­­win ang titulo kay Nobuo Nashiro ng Japan sa pama­magitan ng unanimous decision noong Mayo 5 sa Osaka.

Show comments