MANILA, Philippines - Makaraan ang ilang araw na pananahimik, nagbukas na rin ng kanyang damdamin ang kontrobersyal na si James Yap hinggil sa kanilang paghihiwalay ng asawang si Kris Aquino.
Bago ang 106-100 panalo ng Derby Ace sa nasibak nang Barako Coffee noong Linggo, ibinunyag naman ni Kris sa “The Buzz” na hiwalay na sila ng tubong Escalante, Negros Occidental.
“Kilala n’yo po naman ako. Tahimik at simple lang akong tao,” ani James sa kanyang official statement kahapon. “Tingin ko din itong lahat na issues na naglalabasan siguro dapat kami na lang mag-asawa ang mag-aayos in private. Ever since naman, never n’yo akong naringgan ng kung-anu-ano tungkol sa relasyon namin ni Kris.”
Ngunit sa kabila nito, umaasa pa rin si James na muling mabubuo ang kanilang pamilya ni Kris kasama si Baby James.
“Naniniwala ako sa kahalagahan ng pagkakaroon ng buo ang pamilya. Kaya ipaglalaban ko na mapanatiling buo ang pamilya namin ni Kris anuman ang mangyari. Alam ko walang pamilyang hindi dumaan sa ganitong pagsubok,” ani James. “Marami na kaming dinaanang pagsubok ni Kris before and I don’t think na ngayon pa kami susuko. Gusto ko talagang i-save ang pagsasama namin dahil syempre, may anak kami at hindi biro ang halos anim na taon naming pagsasama. Umaasa pa rin ako na darating ang tamang panahon na maaayos ang lahat.”
Sa araw ng inauguration ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang bagong Pangulo ng bansa noong Miyerkules sa Quirino Grandstand, ibinuhos naman ni James ang kanyang oras sa pakikipag-ensayo sa Llamados sa The Arena sa San Juan.
“May nagtatanong din tungkol sa hindi ko pagsipot sa inauguration ni President Noynoy Aquino. Nagkausap kami at nag-text ako kay President Noynoy at naiintindihan niya ako,” pagliliwanag ni James. “Ayokong makadagdag pa sa napakalaking problema na kakaharapin niya bilang bagong presidente ng ating bansa.”
“At isa pa, nangako ako kay Mom Cory na hindi ko pababayaan ang pamilya namin. Na-aalagaan ko si Kris, si Josh at si Baby James. Nangako rin kami ni Kris sa harap ni Mom Cory na hindi kami maghihiwalay,” dagdag pa nito.
Sa huli, nangako si James na pipilitin niyang mabuo ang kanilang pamilya ni Kris.
“Kris, marami na tayong pinagdaanan na mas mabigat na problema pa rito pero hindi talaga ako bumitaw. Nanahimik ako palagi bilang respeto sa pamilya natin na hanggang sa ngayon ay gusto ko pa ring manatiling buo. Mahal na mahal ko kayo ng anak ko, pati na si Josh na tunay na anak na ang turing ko,” sabi ni James. ”Inuulit ko, it’s final, ipaglalaban ko ang pagsasama ng pamilya natin. At sa tulong ng Diyos, alam kong malalampasan natin ang pagsubok na ito!”
Samantala, si James ang magiging tampok sa laban ng Derby Ace sa nagdedepensang San Miguel ngayong alas-7:30 ng gabi sa kanilang playoff game para sa ikalawa at huling outright semifinals seat sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Ninoy Aquino Stadium.
Pag-aagawan naman ng Barangay Ginebra at Rain or Shine ang pangatlo at huling automatic quarterfinals berth sa alas-5 ng hapon.