Alcantara nakalusot sa Frenchman Jr. Netter
MANILA, Philippines - Mas kuminang ang laro ni Filipino netter Francis Casey Alcantara sa nakalabang Frenchman Gregorie Barrere upang makaabante sa second round sa idinadaos na 2010 Wimbledon Juniors Championships sa The All England Lawn Tennis and Croquet Club sa London.
Sa tie-break nagkasukatan ang dalawang unseeded players at pinalad si Alcantara na nakitaan ng tibay ng paglalaro para iuwi ang 6-1, 1-6, 11-9, tagumpay kay Barrere sa kanilang round of 64 match.
Umabante si Alcantara para harapin ang isa ring unseeded player na si Facundo Arguello ng Argentina.
Inaasahang mabigat din kalabang si Arguello matapos nitong hiyain ang 15th seed na si Roberto Quiroz ng Ecuador sa tatlong mahigpitang sets, 6-2, 0-6, 6-3.
Nasa huling taon na ng paglalaro sa juniors ang 18-anyos na si Alcantara at tiyak na nais niyang magkaroon ng desenteng pagtatapos ang kampanya lalo nga’t ang 2009 Australian Open Junior doubles champion ang siyang natitirang Pinoy na naglalaro sa singles.
Si Jeson Patrombon na siyang numero uno sa bansa ay nalaglag na sa torneo matapos lasapin ang 1-6, 5-7, kabiguan kay Frank Mitchell ng USA.
Buhay pa naman ang dalawa sa doubles na inaasahang sisimulan din ang aksyon ngayon.
Si Patrombon ay ipinarehas kay Ahmed Triki ng Tunisia na kakaharapin ang second seeds na sina Damir Dzumhur ng Bosnia and Herzegovina at Mate Pavic ng Croatia.
Katambal naman ni Alcantara si Briton’s Oliver Golding na kakaharapin ang Fil-Am na si Raymond Sarmiento at US Dennis Kudla.
Hanap nina Alcantara at Golding na mapantayan ang runner-up finish na kanilang ipinakita sa katatapos na AEGON Jr. International doubles.
- Latest
- Trending