MANILA, Philippines - Hindi kinaya nina Filipino Francis Casey Alcantara at Oliver Golding ng Great Britain ang hamon na hatid ng third seeds na sina Juan Sebastian Gomez ng Colombia at Yasutaka Uchiyama ng Japan para tuluyang magtapos ang kampanya sa AEGON Junior International-Roehamtion 2010 sa England.
Tila naubos na ang lakas ng mga unseeded na sina Alcantara at Golding lalo na sa second set upang lasapin ang 1-6, 5-7, kabiguan kina Gomez at Uchiyama sa semifinals match.
Bago ito ay dalawang seeded players muna ang sinila nina Alcantara at Golding para makaabot sa last four ng torneo.
Una nilang hiniya sina eighth seeds Filip Horansky at Jozef Kovalik ng Slovakia, 4-6, 6-3 (10-5), sa round of 16, bago isinunod ang second seeds na sina Damir Dzumhur ng Bosnia at Herzegovina at Mate Pavic ng Croatia sa quarterfinals sa mahirap ding 6-3, 4-6 (10-4) tagumpay.
Matapos ang kampanya sa torneong itinalaga bilang Grade I ng ITF, si Alcantara na nasa huling taon ng paglalaro sa juniors division ay susulong sa Wimbledon Junior Open mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 4.
Makakasama niyang kakampanya mula Pilipinas si Jeson Patrombon na nauna ng nasibak sa torneo.