Victory parade ng Lakers dinagsa
LOS ANGELES -- Libu-libong Los Angeles Lakers fans ang pumila at nag-abang sa isang two-mile route, karamihan ay nakasuot ng purple at gold flags at T-shirts na may nakasulat na “Back 2 Back” ang nakipagdiwang sa NBA champions sa kanilang victory parade.
Kabilang sa mga ginamit na sasakyan sa naturang parada ay ang isang flatbed 18-wheeler, double-decker buses at fire engines.
Ang halos isang oras na parada ang naging tampok sa paghahari ng Lakers sa NBA sa ikalawang sunod na taon matapos talunin ang Boston Celtics, 4-3, para sa kanilang pang 16th NBA title.
Ipinangako ng mga team members na pupuntiryahin ang kanilang pang 17th championship sa susunod na NBA season.
“When next season starts, we’ll be ready, that’s for sure,” sabi ni Kobe Bryant sa mga reporters na may lima nang NBA crowns. “This is the best one by far because it was the hardest one to get.”
Ang ensayo naman ang agad na nasa isip ni Ron Artest, nakasuot ng top hat na may purple at gold feathers at may hawak na walang sinding sigarlyo.
“We have to party for another week, then start putting in the work and write history again next year,” sabi ni Artest.
Pumarada ang Lakers mula sa Staples Center hanggang sa Galen Center sa University of Southern California kasama ang mga Laker Girls.
Itinampok rin sa tribute ang mga dating Lakers greats na sina Earvin “Magic” Johnson at Kareem Abdul-Jabbar. Nagsigawan ang mga fans ng “Ma-gic! Ma-gic!” nang makita nila ang nasabing player-turned businessman.
Wala naman sa okasyon si coach Phil Jackson, nagtungo sa naunang medical checkups, ayon kay team spokesman John Black.
Umaasa naman si Artest na babalik si Jackson sa bench ng Lakers sa susunod na NBA season.
“He’s my favorite coach of all time,” sabi ni Artest. “I enjoyed it for him.”
Ipinakita ng mga diehard fans ang kanilang mga Lakers attire at colors mula sa sneakers hanggang sa purses at Mexican-style ponchos.
Karamihan sa kanila ay lumiban sa trabaho para lamang makipagdiwang sa kanilang koponan.
Isa na rito ang window washer na si Justin Baskom, isang 58-anyos na nagtungo sa Palmdale para masilayan ang kanyang mga longtime basketball heroes.
- Latest
- Trending