MANILA, Philippines - Nabigo si Filipino Rodel Mayol na panghawakan ang kanyang sinabi sa weigh-in.
Nakahugot ng isang unanimous decision, tinalo ni Mexican challenger Omar Nino Romero si Mayol sa kanilang rematch upang agawin sa huli ang suot nitong World Boxing Council (WBC) light flyweight crown kahapon sa Plaza De Toros Del Recinto Expositor sa San Juan del Rio, Queretaro, Mexico.
Ang naturang laban ay tinampukan ng ilang headbutts nina Mayol at Romero, nasugatan sa kanyang dalawang mata dahil dito.
Naputukan si Romero sa kaliwang mata sa fifth round bunga ng headbutt ni Mayol at sa kanyang kanang mata sa seventh round.
Ilang beses na nahinto ang nasabing salpukan kung saan inobserbahan ng ring doctor si Romero, may 29-3-2 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 11 KOs kumpara sa 26-5-2 (20 KOs) slate ni Mayol.
Muling nagbanggaan ng mga ulo sina Romero at Mayol sa tenth round ngunit hindi na itinigil ni referee Hector Afu na malinaw na pumabor sa Mexican fighter.
Nakakolekta ang 34-anyos na si Romero ng mga puntos na 115-112, 117-109, 115-111 laban sa 28-anyos na si Mayol.
Sinasabing nabigo ang tubong Mandaue City, Cebu na si Mayol na makapag-iwan ng magandang impresyon sa tatlong judges sa huling apat na rounds.
Bagamat nakakapasok ang mga jabs at right straight ni Mayol, mas binigyan ng halaga ng tatlong hurado ang mga naikonektang left hooks ni Romero.
Bago ang kanilang rematch, napanatili muna ni Mayol ang kanyang WBC light flyweight belt matapos maglusot ng isang third-round technical draw noong Pebrero 27 sa Guadalajara, Mexico.
Nauna nang inangkin ni Romero ang nasabing korona matapos talunin si Brian “The Hawaiian Punch” Viloria noong Agosto 10, 2006.
Subalit sa kanilang rematch ni Viloria noong Nobyembre 18, 2006, binawi ng WBC kay Romero ang light flyweight title nang bumagsak sa drug test.