Tres ni Macapagal gumiba sa SMBeer

MANILA, Philippines - Kasabay ng pagsakmal sa kanilang ikalawang sunod na panalo, ipinalasap ng Tigers sa Beermen ang pangatlong dikit na ka­malasan nito.

At nanggaling ito sa isang krusyal na three-point shot ni 2010 PBA All-Star Weekend Three-Point Shootout King Mark Macapagal sa natitirang 6.6 segundo sa fourth quarter.

Ang naturang tres ni Macapagal ang nagtawid sa 89-86 panalo ng Coca-Cola sa nagdedepensang San Miguel sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.  

Umangat sa 7-9 ang baraha ng Tigers sa ilalim ng semifinalist Talk ‘N Text Tropang Texters (14-2), Beermen (11-5), Derby Ace Llamados (10-5), Alaska Aces (9-6), Ginebra Gin Kings (9-7) at Rain or Shine Elasto Painters (7-7) kasunod ang Sta. Lucia Realtors (4-11), Air21 Express (3-12) at Barako Coffee Masters (3-13).

Bagamat tiyak nang may silya sa wildcard phase, maaari pa ring makakuha ng isang outright quarterfinals seat ang Coke kung mananalo sa Sta. Lucia at Rain or Shine kasabay ng kabiguan ng Ginebra, Alaska at Rain or Shine na makakuha ng kanilang pang 10 panalo.

Naglaro ang San Miguel sa ikalawang sunod na pagkakataon na wala si 2009 Best Import Gabe Free­man na sinasabing may trangkaso sapul noong Sabado.

“San Miguel is a complete team. Even if they don’t have their imports they’re so dangerous. They’re so good,” ani Asi Taulava, nagtala ng 15 puntos mula sa kanyang 13-of-16 freethrow shooting, sa Beermen, nakahugot ng 19 puntos kay Jay Washington, 15 kay Arwind Santos, 14 kay Dondon Hontiveros at 10 kay Danny Ildefonso.

Matapos ang drive ni Alec Cabagnot para sa 86-85 lamang ng San Miguel sa huling 26.2 segundo ng final canto, isinalpak naman ni Macapagal ang isang tres mula sa touch pass ni Marvin Cruz para sa 88-86 abante ng Coke sa natitirang 6.6 segundo.

Tumalbog ang jump shot ni Ildefonso sa huling posesyon ng Beermen na nagresulta sa split ni Gary David para selyuhan ang tagumpay ng Tigers, nagmula sa malaking 96-95 pagtakas sa Gin Kings noong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.

Nawala rin sa laro si im­port John Williamson, umiskor ng 28 puntos, nang maibigay ang kanyang ikaanim na foul kay Cabagnot sa 4:41 ng fourth quarter kung saan angat ang San Miguel, 80-78.  

Coke 89 - Williamson 28, Taulava 15, Rizada 12, Espino 9, David 8, Macapagal 6, Gonzales 6, Cruz 3, Rodriguez 2, Allera 0.

San Miguel 86 - Washington 19, Santos 15, Hontiveros 14, Ildefonso 10, Peña 7, Cabagnot 6, Yeo 5, Villanueva 3, Pennisi 3, Miranda 2, Seigle 2, Holper 0.

Quarterscores: 22-26, 39-48, 67-72, 89-86.

Show comments