MANILA, Philippines - Dalawang bagong koponan ang magpapatingkad sa ikalawang conference ng Shakey’s V-League na sisimulan sa Hulyo 11.
Walong koponan pa rin ang maglalaban-laban sa susunod na conference at makakasali sa unang pagkakataon ang mga koponan ng National University at University of Perpetual Help.
Hindi na kasali sa papasok na conference ang six-time champion UST nang magdesisyon ang pamunuan ng paaralan na ipahinga muna ang kanilang manlalaro para makahabol sa kanilang pag-aaral.
Ang Lady Tigresses ang nagkampeon sa first conference nang pataubin ang San Sebastian sa tatlong labanan para makuha rin ang ikatlong sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision.
Magbabalik naman sa second conference ang San Sebastian, Ateneo, Lyceum, FEU, St. Benilde at Adamson.
“Gaya pa rin ng first conference ang format na may dalawang guest players at puwedeng kumuha ng isang foreigners. Sa ngayon ay ang Ateneo at San Sebastian ay maglalaro uli ng may Thai reinforcement at ang Lyceum ay nagpasabi rin na balak nilang kumuha ng isa ring Thai import,” wika naman ni Sports Vision official Mauricio “Moying” Martelino.
Naniniwala rin ang opisyal na magiging kapana-panabik pa rin ang liga kahit wala ang UST dahil na rin sa mainit na tagisan ng mga datihan at ang hangarin na makapanggulat ng dalawang bagitong koponan.