Coke vs SMBeer; ROS kontra Alaska: Gitgitan ang labanan para sa huling outright semis slot
MANILA, Philippines - Sa pag-angkin ng Talk ‘N Text sa isa sa dalawang outright semifinals ticket, inaasahang magiging maigting ang agawan para sa natitirang silya.
Nakatakdang harapin ng nagdedepensang San Miguel ang Coca-Cola ngayong alas-5 ng hapon, habang magtatapat naman ang Alaska at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Dala ng Tropang Texters, nasa isang all-time franchise best 13-game winning streak, ang 14-2 baraha kasunod ang Beermen (11-4), Derby Ace Llamados (10-5), Aces (9-6), Ginebra Gin Kings (9-7), Elasto Painters (7-7), Tigers (6-9) at Sta. Lucia Realtors (4-11), Air21 Express (3-12) at Barako Coffee Masters (3-13).
Nagmula ang San Miguel sa 82-85 pagyukod sa Talk ‘N Text noong Hunyo 12, habang umiskor naman ang Coke ng malaking 96-95 tagumpay sa Ginebra noong Linggo upang mapalakas ang kanilang tsansa sa wildcard phase.
“This is an insignificant win, because our focus is on the process to improve,” wika ni head coach Bo Perasol sa kanyang Tigers. “Kasi, it will be very hard for us to think about sweeping our last four games, so we just concentrated on the process to improve, at saka na lang isipin ang wildcard.”
Kaagaw ng Beermen sa ikalawa at huling outright semis berth ang Llamados, Gin Kings at Aces.
Sa ikalawang laro, sasakyan naman ng Alaska ang kanilang 98-94 panalo sa Air21 noong Hunyo 11 sa pakikipagtagpo sa Rain or Shine, nakalasap ng 84-86 pagkatalo sa Derby Ace noong Hunyo 12.
“This win is crucial for us in terms of the standings. Another loss would have taken us down in the wild card area,” sabi ni Aces head coach Tim Cone matapos ang kanilang pananaig sa Express.
Isang koponan lamang ang masisibak sa torneo, habang apat ang maglalaban sa wildcard phase kung saan ang isang tropa ang papasok sa quarterfinals.
- Latest
- Trending