Boksingerong ilalahok sa MVP Cup, sasalaing mabuti
MANILA, Philippines - Isasalang sa masusing proseso ang mga boksingerong ilalaban sa 1st MVP International Friendship Cup na gagawin mula Hulyo 14 hanggang 19 sa PICC grounds.
Ayon kay Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson, kasalukuyang nagsasanay ang mga national pool sa Baguio upang madetermina kung sino ang nasa magandang kondisyon para maisalang sa dalawang koponan sa kalalakihan at isang koponan sa kababaihan na lalahok sa torneong katatampukan ng pitong bansa.
Maliban sa host country, kasali rin sa anim na araw na torneo ang China, Thailand, Chinese Taipei, Sri Lanka, Macau at Hong Kong.
“Sa ngayon ay nagsasanay na ang ating mga boksingero at sumailalim na sila sa una sa tatlong boxoff nitong Sabado sa Baguio para makita ang kanilang kondisyon. Sa Miyerkules at sa Sabado ay may boxoff uli at matapos nito ay maaaring mapili na kung sino ang posibleng ilaban natin sa MVP Cup,” wika ni Picson.
Ang Team A sa kalalakihan ang pambato ng bansa para sa mithiing medalyang ginto at mangunguna sa koponan ang mga napili sa Elite team na sina Charly Suarez, Rey Saludar, Victorio Saludar at ang youth boxer na si Mark Anthony Barriga.
Ang koponan ay hawak ni dating World Championships silver medalist at Olympian na si Roe Velasco at kasama rin bilang ikalimang kasapi ay si Annie Albania na mamumuno sa kababaihan.
“Ginagawa ang lahat para matiyak na palaban ang mga ilalaban natin. Mahirap magsalita ngayon dahil hindi natin alam kung ang Team A o Team B ng ibang bansa ang ilalahok nila pero hindi tayo nagkukumpiyansa at pinaghahandaan ito nang husto,” ani pa ni Picson.
Aabot sa 12 weight classes ang paglalabanan sa kabuuan ng torneo at pito rito ay sa kalalakihan sa larangan ng light flyweight (48), flyweight (51), bantamweight (54), featherweight (57), lightweight (60), lightwelter (64) at welterweight (69).
Ang kababaihan naman ay paglalabanan sa limang weight class sa 46, 48, 51, 57 at 57 kilograms.
Unang international tournament ito sa bagong pamunuan ng ABAP sa pangunguna ng pangulong si Ricky Vargas at chairman Manuel V. Pangilinan.
Ito rin ang kauna-unahang kompetisyong internasyonal sa bansa dahil ang huling torneo na itinaguyod ng ABAP ay noon pang 1995 gamit ang Mayors Cup ni dating ABAP president Mel Lopez.
- Latest
- Trending