MANILA, Philippines - Isang knockout na panalo ang nais na mailista ni Rodel Mayol sa muling pakikipagtuos niya kay Omar Nino sa Hunyo 19 sa Plaza de Toros sa Queretaro, Mexico.
Hindi makalimutan ni Mayol ang nangyari sa unang pagtutuos ng dalawang boksingero noong Pebrero 27 kaya’t sinisipat niya ang kumbinsidong panalo upang hindi papormahin ang katunggali na masusuportahan uli ng kanyang mga kababayan.
“If there is a chance, I will go for a knockout. It’s have to win by decision,” wika ni Mayol.
Itataya sa ikalawang pagkakataon ni Mayol ang hawak na WBC light flyweight title laban kay Nino matapos mauwi sa tabla ang unang pagkikita sa Chiapas, Mexico.
Tinamaan ng low blow si Mayol ni Nino dahilan upang bumulagta ito at hindi na nakatayo. Pero dahil illegal punch ang ginamit, idineklarang tabla ang laban at ipinag-utos ang rematch na ito.
Tiniyak ni Mayol na hindi na mauulit ang nangyari sa rematch dahil alam na niya ang mga ikinikilos ni Nino na dating kampeon ng dibisyon nang talunin si Fil-Am Brian Viloria.
Nasa magandang kondisyon na rin siya dala ng masinsinang pagsasanay kaya’t mataas ang kanyang kumpiyansa na haharap sa laban.
“Training camp is great and I’m in condition. I know his style and I’m concentrating on my defense and speed. I have trained hard and I should come out the winner this time,” wika pa ni Mayol.
Ang 28-anyos na tubong Mandaue City, Cebu pero naninirahan na sa Los Angeles, California ay may hawak na ring record na 26 panalo sa 30 laban kasama ang 20 KO habang taglay naman ng 34-anyos na si Nino ang ring record na 28 panalo sa 34 laban at 11 KO.