Batangas lusot din sa Tauig: Cebu sumadsad sa Manila
MANILA, Philippines - Magkasunod na hits ang kinuha nina Francis Candela at Bambol Servo laban sa pagod ng si Joseph Orillana upang maitakas ng Manila ang 8-7 panalo sa Cebu sa pagpapatuloy ng Dunkin’ Dunut Baseball Philippines Series VI kahapon sa Rizal Memorial Ballpark.
May two outs na sa huling palo ng Sharks nang pinalad na makatama sina Candela at Servo, ang kay Servo ay nalagay sa left field upang makaiskor ang kakampi para sa winning run.
“Nagkaroon kami ng problema sa start dahil may mga absent at na-late sa starter namin. Kasama nga sa na-late ay sina Candela at Servo pero masuwerte pa rin kami dahil sila ang naghatid sa amin sa panalo,” wika ni Manila team manager Jhoel Palanog na may 2-0 na sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc.
Nakitaan din ng magandang pagpukol si Charlie Labrador na ginamit sa unang limang innings at nagbigay ng tatlong hits at dalawang runs bukod sa apat na strikeouts.
Pinalitan siya ni Jon Jon Robles na nangapa pa sa kanyang tunay na porma nang magbigay ng pitong hits at limang runs sa huling apat na innings.
May dalawang strikeouts din, muntik ng ininda ng Sharks ang dalawang homeruns na ibinigay ni Robles dahilan upang makabangon ang Dolphins buhat sa 2-6 pagkakalubog at naitabla ang iskor sa 7-all.
Unang homerun sa liga ang ginawa ni Mark Rae Ramirez na ang bola nga ay lumabas ng bakod sa right field upang mapaiskor din sina Jonash Ponce at Florentino Ubungen at magtabla sa 6-all ang dalawang koponan matapos ang seventh inning.
Umiskor ng isang run ang Manila sa bottom eight pero bumanat ng solo homerun si Ponce para magtabla uli sa 7 all sa huling palo ng Sharks.
May 10 hits at walong runs sa 130 pitches ang ginawa ni Orillana para sa Cebu na ngayon ay nalaglag sa 1-1 karta at katabla ang nagdedepensang Batangas Bulls na kumuha ng 15-7 tagumpay sa Forward Taguig sa unang laro.
Nangibabaw si Vladimir Eguia sa tatlong pitchers na ginamit ng Patriots upang itulak ang Taguig sa 0-2 baraha.
- Latest
- Trending
















