RP 2nd sa ASEAN Age Group Swimming Championship
MANILA, Philippines - Kung paano sinimulan ay ganoon din ang pagtatapos na ginawa nina Jessie King Lacuna, Jasmine Alkhaldi at Dorothy Grace Hong upang tulungan na ilagay ang host Pilipinas sa pangalawang puwesto sa pagtatapos ng 34th Southeast Asia Age Group Swimming Championships kahapon sa Trace Aquatics Complex sa Los Baños, Laguna.
Nanalo ng ginto sa 50m, 200m at 400m, kinuha pa ni Lacuna ang ginto sa 100m free style sa boys 15-17 sa 52.81 segundo tiyempo para maging natatanging lahok ng bansa na nakaapat na gintong medalya.
Tinalo ni Lacuna na inaasahang lalaro sa Youth Olympic Games sa Singapore sa Agosto, si Mohd Kamal ng Singapore (53.96) at Pongkajorn Kitkajarn ng Thailand (54.14).
Ang 16-anyos na si Alkaldi na nanalo sa 50m free at 400m free ay nangibabaw din sa 100m free sa girls 15-17 sa bilis na 58.06.
Bagong record ito dahil natabunan niya ang 58.53 record na dating hawak ni Jiratida Phiny ng Thailand anim na taon na ang nakalipas.
Si Hong naman ay nagdiwang ng kanyang ika-17 kaarawan sa pagpanalo sa 50m back stroke.
Kinailangan niya ng malakas na paglalangoy sa huling 25 metro para talunin si Nguyen Thi ng Vietman tungo sa 30.90 segundo tiyempo.
Nanalo rin ng tatlong bronze medals ang Pilipinas sa pagtatapos ng tatlong araw na torneo na inorganisa ng Philippine Aquatics Sports Association.
Sa kabuuan, kumulekta ang Pilipinas ng 13 ginto, 10 pilak at 12 bronze medals upang pumangalawa sa Thailand na mayroong 46 ginto, 24 pilak at 37 bronze medals.
Ang Indonesia ang pumangatlo sa walong bansang torneo sa 11-15-13 medal tally.
- Latest
- Trending




















