MANILA, Philippines - Maski ang pagbabalik-loob ni CJ Giles at ang posibleng paghugot kay Olumide Oyedeji para sa Smart Gilas Pilipinas ay hindi na mangyayari.
Kaagad na inayawan ni Serbian head caoch Rajko Toroman ang pagkuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga American cagers na sina Gilles at Oyedeji.
“No way,” sambit ni Toroman sa 6-foot-11 na si Giles at 6’10 na si Oyedeji, parehong nakita sa aksyon sa nakaraang 21st FIBA-Asia Champions Cup na nilahukan rin ng Smart Gilas sa Doha, Qatar.
Sinabi ni Toroman na mas malakas na reinforcement ang kailangan ng Nationals at hindi ang isang patpating katulad ni Giles, dating draftee ng Los Angeles Lakers.
“What we need is someone who is stronger inside, can defend, get us more rebounds and can run the floor,” sabi ni Toroman.
Dahil sa masamang impluwensya sa mga miyembro ng Smart Gilas, pinatalsik ni Toroman si Giles at ipinalit si Jamal Sampson na palagi namang inirereklamo ang kanyang knee injury.
Tungkol naman kay Oyedeji, naglaro sa NBA para sa Seattle Super Sonics at Oklahoma City Thunder, sinabi ni Toroman na magiging problema nila ang pagkuha sa release papers nito mula sa nilaruang ASU ng Jordan sa FIBA-Asia Champions Cup.
Si Oyedeji ay naging miyembro ng national team ng Nigeria.
Dahilan rito, inaasahan ni Toroman na wala siyang nakikitang problema kay 6’10 American Marcus Douthit, lalahok sa kanyang tryout sa Hunyo 8.
“We’re hoping he could be the one,” wika ni Toroman kay Douthit, maaaring maging ‘naturalization candidate’ ng SBP upang makatulong sa kampanya sa darating na 2010 Asian Games at sa 2011 FIBA-Asia Men’s Championships na siyang qualifying tournament patungo sa 2012 Olympic Games sa London.