MANILA, Philippines - Bagamat ito ang ikatlong sunod na tatanggapin niya ang kanyang Fighter Of The Year Award, hindi pa rin maitago ni Filipino seven-division champion Manny Pacquiao ang kanyang kasabikan na makuha ito sa Biyernes (US) time sa 85th annual Boxing Writers’ Association of America Awards Dinner sa Roosevelt Hotel sa New York City.
“Excited na ako para makuha ‘yon,” sabi ng 31-anyos na bagong Congressman ng Sarangani sa panayam ng ABS-CBN North America Bureau.
Bukod sa Fighter of the Year, kinilala rin ang tubong General Santos City bilang Fighter Of The Decade.
Bago si Pacquiao, tatlong beses ring tinanghal sina world heavyweight legend Muhammad Ali at four-time heavyweight titlist Evander Holyfield bilang Fighter of the Year ng BWAA.
Ang official name ng naturang karangalan ay ang “The Sugar Ray Robinson Fighter Of The Year” award.
Mismong si boxing great Joe Frazier, nakabangga ni Ali noong 1970’s, ang mag-aabot ng award kay “Pacman”, ayon kay BWAA president Jask Hirsh.
Tumanggap rin si “Smokin’ Joe” ng Fighter of the Year trophy nang talunin niya si Ali noong 1971.
Binawian naman ni Ali si Frazier noong 1974 at sa kanilang makasaysayang “Thrilla In Manila” Noong 1975 sa Araneta Coliseum.
Inihalintulad ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Pacquiao kay Ali.
Sinabi ng 78-anyos na si Arum na maraming nagmamahal at naiinis kay Ali dahil sa kagalingan nito sa loob at labas ng boxing ring.
At ito rin ang kanyang nakikita kay Pacquiao.
Sinasabing tahimik na nakikipag-usap si Arum sa kampo ng 33-anyos na si Mayweather sa hangaring maitakda ang kanilang banggaan ni Pacquiao.
Ilang ulit na ring pinaratangan ni Mayweather si Pacquiao na gumagamit ng performance-enhancing drugs na hindi naman nito napatunayan.