MANILA, Philippines – Pinawi ng Manila Sharks ang kabiguang tinamo sa Batangas Bulls sa nagdaang series nang kunin ang 5-4 panalo sa pagsisimula kahapon ng Dunkin’ Donut Baseball Philippines Series VI sa Rizal Memorial Diamond.
Matibay na hitting na nasuportahan ng magandang pitching at depensa sa huling ninth inning ang siyang ginawa ng Sharks upang talunin ang paboritong Bulls at makuha ang unang tagumpay sa anim na koponang liga na inorganisa ng Community Sports Inc.
Bago ang laro ay nagkaroon ng opening ceremonies at ilang sa mga dumalo ay si POC spokesman Joey Romasanta, PABA Executive Vice President Eladio Baradas, Pampanga Governor Ed Panlilio, Nolan Bernardino at Leslie Suntay ng CSI.
Out-hitted ng Sharks ang Bulls, 8-7, at dalawa rito ay kinuha sa unang inning laban kay Vladimir Eguia upang agad na makaiskor ng apat na runs.
Humalili kay Eguia si Romeo Jasmin at kahit mas maganda ang ipinukol nito, bangungot sa kanya ang ibinigay na walk kay Bambol Servo at double kay Francis Candela upang makapasok si Servo na nagbigay ng 5-3 kalamangan sa Sharks ma-tapos ang apat na innings.
Si Mick Natividad ang unang ginamit ng Sharks pero pinalitan siya matapos magbigay ng tatlong runs sa ikatlong innings upang makadikit sa 4-3 ang kalaban.
Ang 17-anyos na si Mike Gante ang pumasok at siya ang nagdikta sa laro nang limitahan niya sa dalawang hits lamang ang kalaban sa sumunod na limang innings.
“Malaking bagay yung maganda ang start namin dahil nakuha agad namin ang momentum. Iba rin ang inilaro ni Gante. Kulang kami sa mahusay na pitcher pero nagdeliber siya sa larong ito kahit rookie siya,” pagpupuri ni team manager Jhoel Palanog.