MANILA, Philippines – Kung may isang bagay na natutunan si Rodel Mayol sa unang pagkikita nila ni Omar Nino, ito’y ang mapaghandaan nang husto ang mga pakakawalang low blows ng dating Mexican champion.
Muling magtutuos sina Mayol at Nino sa Hunyo 19 sa Mexico matapos mauwi sa technical draw ang laban nang ihinto ni referee Vic Drakulich ang sagupaan dala ng low blows na pinakawalan ng Mexicano.
Unang pagdepensa ito ni Mayol sa hawak na WBC lightflyweight division matapos agawin ito sa isa ring Mexican champion na si Edgar Sosa.
Hindi ikinokonsidera ni Mayol na maruming boxer si Nino pero napapansin niya na sa lahat ng kanyang mga laban ay hindi nito napipigilan na magpakawala ng low blows.
“Hindi naman siya maruming boksingero pero madalas siyang gumagawa ng low blows. Ito ang talagang pinaghahandaan ko ngayon at hindi na mangyayari ito,” wika ni Mayol.
Wala rin siyang problema kung lalaban siya uli sa Mexico dahil sanay na siyang bumiyahe at lumaban bilang dayo.
Masinsinang pagsasanay na ang ginagawa ni Mayol at pinagtitibay na rin niya ang kanyang depensa bukod pa sa resistensya dahil inaasahan niyang bugbugan o magtatagal ang sagupaan.
May 26 panalo sa 32 laban kasama ang 22 knockout si Mayol na papasok sa labang ito habang si Nino na dating kampeon ng dibisyon nang kanyang tinalo si Fil-Am Brian Viloria ay may 28 panalo sa 32 ding laban.
Nagpasabi si Nino na patutulugin niya si Mayol sa laban bagay na pinagkibit-balikat lamang ng Filipino champion.
“Tingnan na lamang natin kapag nasa itaas na kami ng ring,” pahayag ni Mayol sa binanggit ni Nino na KO panalo.