Julaton muling magtatangka para sa bakanteng WBO super bantamweight title kontra Mexican boxer
MANILA, Philippines - Maipakitang nakabangon na siya sa mapait na kabiguan na tinamo sa kamay ni Liza Brown ang nais na gawin ni Ana Julaton sa pagbabalik sa ring sa Hunyo 30.
Sa Ontario, Canada lalaban ang 29-anyos na si Julaton kontra kay Maria Elena Villalobos ng Mexico para sa bakanteng WBO super bantamweight title.
Ang titulo ay dating hinawakan ni Julaton nang talunin si Donna Biggers noong 2009 pero isinuko niya ito nang harapin si Brown nitong Marso 27 para sa bakanteng WBA super bantamweight title.
Ang hangad na world title ay naging bangungot para kay Julaton dahil dominadong-dominado ng mas beteranong si Brown ang kabuuan ng laban para sa unanimous decision na tagumpay.
Sinabi ni Julaton na nakausad na siya sa nasabing kabiguan, ikalawa sa siyam na laban sa kanyang career, at wala na siyang ibang iniisip kungdi ang nalalapit niyang laban.
“There’s always going to be pressure, it’s just a matter of what you’re focusing your energy on. My concern is the fight,” wika ni Julaton. May siyam na laban na rin si Villalobos at anim rito ay naipanalo at tatlo ay naipatalo.
Masidhi rin ang asam na panalo ng Mexican lady boxer dahil nga sa ito ang ikalawang pagtatangka niya para maging world champion. Ang una ay nangyari nito lamang Abril 10 laban kay Marcela Eliana Acuna na nangibabaw sa pamamagitan ng unanimous decision para kunin ang WBC female super bantamweight title.
Para mapagtibay ang hangaring panalo ay kinuha uli ni Julaton ang serbisyo ni Freddie Roach upang makahalili ang dating trainer na si Nonito Donaire Sr.
“When I got to work with him (Roach) for the first time last week, the connection was still there but it was a little stronger,” wika pa ni Julaton.
- Latest
- Trending