MANILA, Philippines - Sa pagpayag ni Manny Pacquiao na sumailalim sa Olympic-style random blood testing 14 araw bago ang laban, wala pa ring solidong pahayag si Floyd Mayweather, Jr. kaugnay sa nasabing pinaplantsang megafight.
Ito ang sinabi kahapon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa panayam ng The Swwet Science.com.
“Nothing,” sabi ng 78-anyos na si Arum sa kampo ng 33-anyos na si Mayweather. “Haven’t heard a word. The ball is completely in Mayweather’s court. Every term has been agreed to.”
Ang hatian sa fight purse ang sinasabing magiging kontensyon ni Mayweather para sa pagpayag na makaharap ang 31-anyos na Filipino world seven-division champion sa Nobyembre 13 na itinakda ni Arum.
Nabasura ang naunang negosasyon sa pagitan ni Arum at ng Team Mayweather nang ipilit ng American six-time world titlist na dumaan sila ni Pacquiao, nailuklok bilang Congressman ng Sarangani, sa isang random blood testing.
Samantala, nakatakda namang magtungo si Pacquiao sa United States sa Hunyo 1 upang personal na tanggapin ang kanyang pangatlong Fighter of the Year award mula sa Boxing Writers Association of America (BWAA).
Sa Hunyo 4 nakaiskedyul ang naturang seremonya sa Roovelt Hotel sa New York na inaasahang dadaluhan rin ni American trainer Freddie Roach na tinanghal namang Trainer of the Year sa ikaapat na pagkakataon.
“After the awarding, manonood si Manny ng laban ni Yuri Foreman at ni Miguel Cotto. Kung sinong manalo dun, puwede rin niyang labanan,” wika ni Jake Joson, ang chief of staff ni Pacquiao, isinugod sa Cardinal Santos General Hospital noong Linggo dahil sa pagsumpong ng kanyang ulcer.
Ang ikatlong Fighter of the Year award ni Pacquiao mula sa BWAA ang nagtabla sa kanya kina Muhammad Ali at Evander Holyfield.