MANILA, Philippines - Mula sa isang 12-point deficit sa kaagahan ng final canto, sinandalan ng Gin Kings sina Marc Caguioa, Ronald Tubid, Willie Miller at Jayjay Helterbrand para tagayin ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Umiskor ang Barangay Ginebra ng kabuuang 36 produksyon sa fourth quarter upang talunin ang Alaska, 105-93, sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa University of Cebu sa Cebu City.
Humakot si Eric Menk ng conference-high 25 puntos at 10 rebounds para igiya ang Gin Kings sa 7-4 rekord sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel Beermen (10-1) at Talk ‘N Text Tropang Texters (8-2) kasunod ang Derby Ace Llamados (6-4), Aces (6-5), Rain or Shine Elasto Painters (5-5), Sta. Lucia Realtors (4-6), Coca-Cola Tigers (4-7), Barako Coffee Masters (2-9) at Air21 Express (1-10).
Kinuha ng Ginebra ang 28-20 lamang sa pagbubukas ng second period bago umarangkada ang Alaska mula kina import Diamon Simpson, Cyrus Baguio at Joe Devance upang ilista ang isang 12-point lead, 83-71, sa 10:27 ng fourth quarter.
Huling nahawakan ng Aces ang unahan sa 91-86 sa 3:43 sa tikada, bago naagaw ng Gin Kings sa 98-91 sa huling 1:17.
Samantala, puntirya naman ng Tropang Texters ang kanilang pang walong sunod na arangkada sa pakikipagtagpo sa Realtors ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Llamados at Tigers sa alas-4 ng hapon sa Big Dome, (RC)
Ginebra 105 - Menk 25, Caguioa 20, Miller 12, Helterbrand 12, Ambres 10, Tubid 9, Hatfield 8, Villanueva 4, De Ocampo 3, Wilson 2, Cruz 0.
Alaska 93 - Simpson 24, Baguio 17, Dela Cruz 11, DEevance 11, Tenorio 9, Thoss 7, Fonacier 6, Borboran 4, Eman 2, Hugnatan 2, Dela Peña 0.
Quarterscores: 25-20; 46-50; 69-75; 105-93.