Orcullo, Kiamco pinayuko ni Bustamante: Corteza sumargo uli ng panalo sa Vegas 10-ball
MANILA, Philippines - Kasabay ng pagbangon ni dating world no.1 Francisco “Django” Bustamante sa loser’s side, ipinagpatuloy naman ni national open champion Lee Van “The Slayer” Corteza ang kanyang pananalasa sa winner’s bracket.
Tinalo ni Corteza si Kuo Po-cheng ng Taiwan, 9-2, bago lusutan si American Mike Dechaine, 9-8, upang banderahan ang kampanya ng bansa sa 2010 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Tinalo naman ni Bustamante sa loser’s bracket ang mga kababayang sina Warren “Warrior” Kiamco, 9-3, at Dennis “Robocop” Orcullo, 9-7, para buhayin ang kanyang tsansa sa winner’s side.
Nauna nang yumukod si Bustamante kay Canadian-based Edwin Montal, 1-9, sa winner’s bracket sa third round hanggang gitlain sa loser’s side sina American Sylver Ochoa, 9-4, Kiamco at Orcullo.
Makakaharap ni Bustamante si Dechaine sa do-or-die match.
Biniktima naman ni Montal sina world 9-ball at 8-ball champion Ralf “Kaiser” Souquet ng Germany, 9-7, at Tony “Tornado” Drago ng Malta, 9-6, para itakda ang kanilang laban ni Charlie Williams.
Nakasama nina Efren “Bata” Reyes, Jose “Amang” Parica at Al Lepana sa sideline sina Kiamco at Orcullo si dating world 9-ball at 8-ball champion Ronato “Volcano” Alcano.
Nahulog naman sa loser’s bracket si Roberto “Pinoy Superman” Gomez, ginulat na si Thomas Engert ng Germany, 9-7, nang matalo kay world 10-ball titlist Mika “The Iceman” Immonen ng Finland, 8-9, sa winner’s side. Makakatagpo ni Gomez sa loser’s side si American Shane Van Boening.
- Latest
- Trending