Alcantara, Morrissey duo pasok semis ng Italian Open

MANILA, Philippines - Buhay pa ang kampanya ni Francis Casey Alcantara na makuha ang ikalawang doubles titles sa taon.

Nagbunga pa rin ang tambalan nina Alcantara at James Morrissey ng Ireland nang kanilang tapusin ang kampanya nina Ita­lians Marco Cecchinato at Giammarco Micolani sa pamamagitan ng 6-4, 6-2, panalo sa quarterfinals ng 51st Trofeo Bonfiglio na nilalaro sa Milan, Italy.

Ang tagumpay na ito nina Alcantara at Morrissey ay ikatlong sunod at naipaghiganti rin kahit paano ng 18-anyos na Filipino netter ang kabiguang tinamo ng kababayang si Jeson Patrombon at Richard Gabb ng Great Britian sa host tandem na nangyari sa round of 16.

Bunga nito ay narating na nina Alcantara at Morrissey na nagtambal sa unang pagkakataon ang semifinals at makakaharap sina Peter Heller at Kevin Krawietz ng Germany para sa puwesto sa finals. Sina Hellter at Krawietz na fourth seeds sa torneo ay nanalo naman kina Tom Allen ng Great Britain at Jiri Vesely ng Czech Republic sa 6-4, 6-4, iskor.

 Unang kuminang si Alcantara, kampeon ng 2009 Australian Open boys doubles, sa idinaos na Mitsubishi Lancer International Tennis Championship nang magbunga ang tambalan nila ni Fil-Am Raymond Sarmiento.

Ngunit mas de-kalidad ang idinadaos na Italian Open dahil ito’y isang Grade A tournament ng International Tennis Federation.

Show comments