Lopez huhubaran ng titulo ni Bernabe

MANILA, Philippines - Magkakaroon uli ng pagkakataon si Bernabe Concepcion na maisakatuparan ang ha­ngaring maging world champion ng Pilipinas.

Sa Hulyo 10 sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Puerto Rico ay aakyat ng ring si Concepcion sa hangaring mahubaran ng WBO featherweight title ang mahusay na si Juan Manuel Lopez.

Pormal na inanunsyo ang la­ban kahapon sa isang press con­ference na ginanap sa San Juan, Puerto Rico at mismong si Concepcion ay nagpahayag ng kanyang kahandaan na gulatin ang walang talong kampeon.

“I came here to promote the fight. It’s going to be a big fight and I don’t know what will happen expect that I will do my best to win the fight,” wika ng 22-anyos na tubong Virac Catan­duanes na si Concepcion.

Ito ang ikalawang pagtatangka ni Concepcion na manalo sa WBO matapos ma-disqualify sa title fight nila ni Steven Lueveno noong Agosto 15, 2009 nang mag­pakawala ng suntok ang Filipino challenger matapos tu­munog ang bell na hudyat ng pag­tatapos ng ikapitong round.

Kinilala naman ni Lopez ang husay ni Concepcion at inaming kailangan niyang maging handa sa lahat ng puwedeng ibigay ng Filipino boxer.

“He is big and strong and it will be a difficult fight. You got to fight him intelligently, round by round and come into the ring in the best shape possible,” wika ni Lopez na hindi pa natatalo sa 28 laban kasama ang 25 KO.

Inagawan nga ni Lopez ng titulo si Luevano noong Enero 23 sa pamamagitan ng seventh round TKO para kunin ang ika­lawang titulo matapos mapag­harian din ang WBO super bantamweight division.

Si Concepcion din ang ikalawang Pinoy na makakalaban ng 26-anyos na champion matapos ng two-division champion na si Gerry Peñalosa na nagretiro sa 10th round sa labang ginanap noong Abril 25, 2009.

Show comments