Unso kinapos kay Bautista
MANILA, Philippines - Minalas si Patrick Unso na magkaroon ng mahinang simula upang mabigo sa hangaring record sa 110m hurdles sa junior boys division sa pagsisimula ng 2010 Milo National Open Track and Field Championship kahapon sa Rizal Memorial Oval sa Malate Manila.
Kumaripas ng takbo ang 17-anyos na si Unso sa pagsapit ng ikapitong bar upang maabutan ang nanguna na si Gringo Bautista bago tuluyang inagwatan sa meta.
Naorasan si Unso, ang nagdedepensang kampeon ng torneo at nanalo rin sa event na ito sa Palarong Pambansa sa Tarlac ng 14.76 segundo na kinapos ng 12 milliseconds para mapantayan ang marka na 14.68 seconds.
Si Bautista ay naorasan ng 15.11 habang si Dharl Pitogo ang pumangatlo sa 15.15.
“Lumubog ako sa start dahil ayaw kong ma-disqualify dahil sa false start. Kaya kinailangan kong maghabol at masaya naman ako at nanalo ako” wika ni Unso na pupuntiryahin ang ikalawang ginto sa high jump
Si national athlete Narcisa Atienza ay nangibabaw naman sa women’s high jump sa 1.70m marka upang mapanatili rin ang kanyang pangunguna sa nasabing event.
Isa pang balik kampeon ay si Riezel Buenaventura ng FEU na pinangunahan uli ang paboritong women’s pole vault sa personal best na 3.63 meters.
Tinalo ni Buenaventura ang mga pambato ng Chinese Taipei na sina Kuan Mei-lien (3.40m) at Lin Wan-chen (3.30m).
Ang natatanging manlalaro ng US na sumali sa tatlong araw na torneo na suportado ng Milo at PSC na si Ashley Jones ay kuminang din sa 800m run sa naitalang 2:18.82.
Milya ang inilayo niya sa nakalabang si Merry Binti Gabali ng Sandakan Malaysia na may 2:27:96 tiyempo para sa pangalawang puwesto.
- Latest
- Trending