Lady Tigresses vs Stags sa Finals
MANILA, Philippines - Kinumpleto ng University of Santo Tomas ang pagbangon buhat sa 0-1 pagkakalubog nang maiuwi ang 25-19, 21-25, 25-17, 25-18, panalo laban sa Lyceum sa do-or-die semifinals game sa Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Nagpakitang-gilas uli si Aiza Maiza at nasuportahan siya uli ng mga kakamping sina Mary Jean Balse, Michelle Carolino at Maika Ortiz para makapasok sa championship round sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s V-League at iprinisenta ng PLDT myDSL.
“Kung ano ang ginawa namin sa practice para sa larong ito ay siyang ginawa ng mga players. Sa opensa talaga kami nag-focus at masaya naman akong nag-click ang diskarteng ito,” wika ni Lady Tigresses assistant coach Vilet Ponce De Leon.
May 18 puntos si Maiza kasama ang 11 hits para pamumuan ang UST sa itinalang 2-1 panalo sa Lyceum at makapasok sa finals sa lahat ng edisyon ng ligang suportado rin ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.
Matapos makatabla ang Lady Pirates sa second set ay muling nagtulong-tulong ang mga kamador ng UST sa sumunod na dalawang set para makuha ang tagumpay at karapatang labanan ang San Sebastian na naunang umusad sa Finals sa pamamagitan ng 2-0 sweep sa Ateneo.
Ito ang ikalimang pagkakataon na makakaharap nila ang Lady Stags sa championship game at magsisimula ang best-of- three finals sa Linggo.
“Iba ang San Sebastian dahil marami silang scorers kaya dapat na mag-adjust kami sa depensa,” wika pa ni Ponce De Leon.
Si Joy Cases ang bumandera sa Lady Pirates sa pinakawalang 19 puntos kasama ang 18 kills habang si Thai import Porntip Santrong na gumawa ng 35 puntos sa Game One na kanilang inangkin ay nalimitahan uli sa 17 puntos lamang.
Maliban sa mahinang net game ininda rin ng Lady Pirates ang mga naitalang errors kasama nga ang service error ni Kaily Penamante na siyang tumapos sa sagupaan.
- Latest
- Trending