Pacquiao pumayag na sa Olympic-style drug testing
MANILA, Philippines - Mula sa kanyang pagmamatigas na sumailalim sa Olympic-style drug testing, payag na si Manny Pacquiao na gawin ito para lamang matuloy ang kanilang inaabangang megafight ni Floyd Mayweather, Jr.
Ngunit nilinaw rin ng 31-anyos na si Pacquiao na dapat gawin ang naturang proseso dalawang linggo bago ang laban nila ng 33-anyos na si Mayweather.
Ang ipinipilit ni Mayweather na dumaan sila ni Pacquiao sa isang Olympic-style drug testing ang siyang naging dahilan ng pag-atras ng Filipino world seven-division champion sa naturang laban na naunang itinakda noong Marso.
Sinabi ni Pacquiao na masama ang kanyang karanasan sa nasabing drug testing.
Sa kanyang unang pakikipagtagpo kay Mexican Eric Morales noong Marso ng 2005, maraming dugo ang kinuha kay Pacquiao isang gabi bago ang kanilang salpukan na nagresulta sa kanyang unanimous decision loss.
Matapos ito, tinalo ni Pacquiao si Morales ng dalawang sunod para tapusin ang kanilang ‘trilogy’.
Nakatakdang bumiyahe si Pacquiao, manunumpa sa Hunyo 30 bilang bagong Kongresista ng Sarangani, sa Abril patungong New York para tanggapin ang kanyang pangatlong Fighter of the Year award mula sa Boxing Writers Association of America (BWAA).
Pararangalan rin si Pacquiao ng World Boxing Council (WBC) sa Hunyo 5 sa Acapulco, Mexico bilang Boxer of the Year, habang si world heavyweight king Vitali Klitschko ang napiling Champion of the Year.
Samantala, kinampihan naman ni Mexican three-time world champion Israel Vasquez si Mayweather sakaling matuloy ang kanilang laban ni Pacquiao sa Nobyembre.
- Latest
- Trending