Mayol-Nino rematch ikinasa sa June 16
MANILA, Philippines - Magtutuos sa ikalawang sunod na pagkakataon sina Filipino WBC light flyweight champion Rodel Mayol at Mexican challenger Omar Nino.
Ang laban ay ipinag-utos ng World Boxing Council matapos mauwi sa no contest ang unang tagisan na nangyari nitong Pebrero sa Guadalajara, Mexico.
Itinigil ang laban sa third round ni referee Vic Drakulich nang matumba si Mayol mula sa illegal punch na pinakawalan ni Nino.
Ang rematch ay itinakda sa Hunyo 16 sa Queretaro, Mexico na tiyak na magbibigay pabor uli kay Nino.
Ngunit makaaasang handa sa laban si Mayol dahil bihasa na ito sa pagdayo sa ibang bansa para makakuha ng laban.
May 32 laban na si Mayol at 26 rito ay kanyang naipanalo kasama ang 20 KO at ang magaganap na laban ay ikalima na sa career ng 28-anyos tubong Mandaue, Cebu.
May dalawang panalo, isang talo at isang no contest na resulta si Mayol sa kanyang apat na naunang laban sa Mexico.
Unang tinalo ni Mayol ay si Lorenzo Trejo gamit ang fourth round TKO noong Enero 28, 2006 sa Cancun, Mexico at ang ikalawang Mexicanong pinataob sa kanyang bansa ay si Edgar Sosa nitong Nobyembre 21, 2009 sa Chiapas, Mexico.
Mas matinding second round TKO ang itinala ni Mayol kay Sosa upang maagaw din ang hawak nitong WBC title.
May 28 panalo sa 34 laban kasama ang 11KO, si Nino ay hinirang na kampeon ng dibisyon matapos talunin si Fil-Am Brian Viloria noong Agosto 10, 2006.
- Latest
- Trending