RP cue artist nanalasa agad
MANILA, Philippines - Binuksan nina Francisco “Django” Bustamante at Lee Vann “The Slayer” Corteza ang kanilang kampanya sa pagsisimula ng 2010 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas Nevada.
Winalis ni Bustamante si American Neil Cummins, 9-0, samantalang tinalo naman ni national open champion Corteza si Tony Robles, 9-6, sa double elimination, winner’s break format sa torneong naglalatag ng US$89,000 total pot prize kung saan US$20,000 ang makukuhang magkakampeon.
Nagmula si Bustamante sa paghahari sa nakaraang World Professional Billiard League’s Super Series of Billiards sa Mc Phillips Station Casino sa Winnipeg, Canada.
“Pinilit ko talaga na makauna at makalayo agad para makaiwas sa silat,” sabi ng tubong Davao City na si Corteza, naghari sa 1st Annual Hard Times-Mezz Cues 10-Ball Open sa Hard Times Billiards sa Bellflower, Los Angeles.
Hindi rin nagpahuli si Al Lapena nang talunin si Peter Dimmick, 9-4, at tinalo naman ni Edwin Montal si woman pool player Jennifer Baretta, 9-6.
Sariwa pa sa kanyang pagkakapanalo sa World Pool Masters, nagpasikat rin si Dennis ‘Robocop’ Orcullo nang kanyang igupo si Raj Hundal ng India, 9-4.
Bumawi naman si Roberto Gomez sa kalabang si Imram Majid ng Great Britain sa iskor na 9-1 at giniba ng Hall of Famer at 2010 Player of the Decade na si Efren ‘Bata’ Reyes si Bobby Weimar ng US, 9-3.
- Latest
- Trending