Bukas ay magkakaroon ng rebanse sa pagitan ng Coca-Cola Tigers at Alaska Aces. Bale 12 days lang ang nakalipas buhat nang sila’y unang magtagpo sa PBA Fiesta Conference.
Magugunitang noong Mayo 7 ay naungusan ng Aces ang Tigers, 104-103 sa pamamagitan ng isang slam dunk ni Diamon Simpson sa alley-oop inbound pass ni Tony dela Cruz sa huling dalawang segundo.
Aba’y halos panalo na sana ang Tigers sa larong iyon matapos na makapagbuslo ng technical freethrow si Gary David at mabigyan ng dalawang freethrows ang dating import ng Coca-Cola na si James Penny sa huling tatlong segundo. Pero isinablay ni Penny pareho ang kanyang freethrows at ito ay nagsilbing daan upang manakaw ng Alaska Milk ang panalo.
Dahil doon ay natsugi si Penny bilang import ng Tigers. Kasi nga’y sandamakmak ang freethrows na iminintis niya sa larong iyon. Bale walong freethrows ang hindi niya naipasok.
E, hindi naman siya dating ganun, ‘di ba? Parang wala na ang kanyang konsentrasyon sa laro. Para bang gusto na niyang pauwiin siya bagamat okay pa naman ang kanyang averages.
Kasi nga sa siyam na laro, si Penny ay nag-average ng 26.22 puntos, 13.78 rebounds, 2.22 assists, 1.22 teals, 2.33 blocked shots at 4.11errors sa 40.56 minuto. Pasado iyon kahit na anong anggulo tingnan.
Kaya lang iyon bagsak ay dahil sa nagkaroon ng four-game losing streak ang Tigers. Buhat sa 4-1 na record ay tinapos nila ang first round ng eliminations sa kartang 4-5. Sumadsad na sila at natural na nais nilang mapigilan ang pagdausdos.
Kaya pinauwi si Penny at kinuha ng Tigers ang isa pa’ng datihang si Rashad Bell na unang naglaro sa Coca-Cola noong 2006-07 season bago kinuha ng Talk N Text noong nakaraang taon. Bagamat hawak ng Tropang Texters ang rights kay Bell ay pumayag silang kunin ito ng Tigers. Ito’y sa kabila ng pangyayaring nakatakda silang magsagupa noong Biyernes.
Well, sa kabila ng pagpapalit ng import, nakalasap ang Tigers ng 103-93 kabiguan sa kamay ng Tropang Texters noong Biyernes. Sa larong iyon, si Bell ay gumawa ng 18 puntos, limang rebounds, limang assists, isang steal at isang error sa 41 minuto.
Medyo mababa ang mga numerong ito kumpara sa mga numero ni Penny pero naniniwala si coach Dolreich “Bo” Perasol na makakabawi sila. Hindi palang nakapag-aadjust si Bell sa kanyang mga kakampi.
Kasi nga, buhat noong 2006-07 season, ibang-iba na angcomposition ng Coca-Cola team ngayon. So, kailangan ni Bell ng kaunting period of adjustment.
Magsisilbing “acid test” para kay Bell ang rematch ng Tigers at Aces sa Miyerkules.
Sa laban na ito malalaman kung tama o mali ang naging desisyon ng Coca-Cola na magpalit ng import.
Kasi nga, mayroon ding nagsasabing hindi naman ang import ang diperensya ng Tigers kundi ang locals. Iisang local player ang naga-average ng double figures sa scoring at ito’y si Gary David na may 20.4 puntos kada laro.
Walang ibang nakakatulong.
Kaya successful ang ibang teams ay dahil hindi sila lubusang sumasandig sa import. Malaki ang iniaambag ng mga locals. Ito ang dapat na tularan ng Tigers kung nangangarap silang mabago ang kapalaran nila’t makaakyat sa standings.