Jersey ni Cariaso ireretiro na
MANILA, Philippines - Makaraan ang 15 taon, dumating na ang katapusan ng kampanya ni Jeffrey Cariaso sa Philippine Basketball Association.
Bago pa man magsimula ang 2009-2010 PBA season ay sinabi na ni Cariaso sa Alaska management at kay head coach Tim Cone na ito ang huling pagkakataon na maglalaro siya bilang isang Ace.
“I’ve always said that I want to be the one to say when it’s time,” ani Cariaso sa kanyang pagreretiro. “It’s my career which I worked hard to achieve and establish myself in this league, so I feel it’s only fitting that I walk away on my own terms.”
Bagamat ilang kampeonato na ang natikman at ilang injuries na ang naranasan, gusto pa rin ng Fil-American off-guard na huminto sa paglalaro na hindi pa laos.
Ang 6-foot-1 na si Cariaso, ngayon ay 37-anyos, ay tinanghal na PBA Rookie of the Year noong 1995.
Ayon kay Alaska team manager at dating PBA chairman Joaqui Trillo, bibigyan nila ng parangal si Cariaso sa Hunyo 20 bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa kampanya ng Aces.
Sa naturang okasyon, ireretiro ng Uytengzu franchise ang jersey ni Cariaso kagaya ng ginawa kay Jojo Lastimosa.
Makaraang maging sandata sa pag-angkin ng Alaska sa PBA Grand Slam crown noong 1996, dinala ng Aces si Cariaso sa Mobiline (ngayon ay Talk ‘N Text) noong 1997 sa pamamagitan ng isang trade kung saan niya nakasama ang kaibigang si Andy Seigle.
Matapos ang tatlong taon, ibinigay ng Phone Pals si Cariaso sa Tanduay Rhum Masters para makatuwang nina Eric Menk at Dondon Hontiveros.
Nang ibenta ng Tanduay ang kanilang prangkisa sa FedEx Express noong 2002, lumipat si Cariaso sa Coca-Cola kung saan siya nanalo ng dalawang kampeonato bago muling dinala sa Alaska kasama si Reynel Hugnatan kapalit nina John Arigo at Ali Peek.
- Latest
- Trending