9-player trade natuloy na, Williams sa TNT
MANILA, Philippines - Imbes na selebrasyon, bumaha ng luha sa locker room ng Sta. Lucia ilang minuto matapos nilang talunin ang Alaska, 91-87, noong Miyerkules ng gabi.
Bagamat mabigat sa kanyang kalooban, dinala ni team manager Buddy Encarnado sina Realtors Kelly Williams at Ryan Reyes kasama si Charles Waters sa kampo ng Tropang Texters mula sa isang nine-player, three-team trade sangkot ang Barako Coffee.
Sina Williams, ang 2008 PBA Most Valuable Player awardee, at si Reyes ay ipapahiram ng Talk ‘N Text sa Smart Gilas Pilipinas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ni Manny V. Pangilinan.
“I’m hoping that they will continue their best under a new franchise, knowing fully well that I’m privilege to have a hand involving these fine gentlemen,” ani Encarnado sa naturang trade na naisara kamakalawa ng gabi.
Sa pagpapakawala kina Williams at Reyes, nakuha ng Sta. Lucia mula sa Talk ‘N Text sina Ali Peek, Nic Belasco at Pong Escobal kasama sina Ogie Menor at Yousif Aljamal buhat sa Barako Cofee.
Ibinigay ng Tropang Texters sa Coffee Masters ang kanilang 2010 second round pick para kay Menor, habang si Aljamal ay nasambot ng Realtors para kay Waters, bayaw ni Williams, na ibinigay ng Barako Coffee sa Talk ‘N Text para kay Mark Isip.
Samantala, tangka naman ng Tropang Texters ang kanilang ikawalong panalo sa pakikipaglaban sa Coca-Cola Tigers sa alas-5 ng hapon, bago susunod ang bakbakang Rain Or Shine at Alaska Aces sa alas-7:30 ng gabi sa PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Kaugnay nito, tuluyan nang inalis ni PBA Comissioner Sonny Barrios ang one-season ban kay Air21 Wynne Arboleda.
“We also take note of your repeated expression of contriteness over the incident and the use of time under suspension in a positive and proactive manner instead of simply being ‘unproductive’ during your suspension,” ani Barrios sa kanyang sulat kay Arboleda, napatawan ng one-season ban without pay matapos upakan ang isang fan ng Smart Gilas sa laban nito sa Air21 sa nakaraang 2009-2010 PBA Philippine Cup noong Oktubre.
- Latest
- Trending