MANILA, Philippines - Para sa dating tinitingala sa mundo ng propesyonal na boxing, dapat na magkrus ang landas nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. upang madetermina ng madla kung sino talaga ang dapat hangaan sa kanila.
Si Sugar Ray Leonard na nanalo ng limang world titles sa magkakaibang dibisyon at isa na ring kasapi ng Hall of Fame ang siyang nagsabing dapat magkatuos sina Pacquiao at Mayweather.
Sa panayam ni David Mayo ng The Grand Rapid Press, mababawasan ng kinang ang ipinagmamalaking boxing careers ng dalawang mahuhusay na welterweight boxers kung hindi malalaman kung sino sa kanila ang mas mahusay.
“The fight has to happen,” wika ni Leonard. “They both are letting people call them pound for pound. They both are considered pound for pound right now. They’ve got to fight each other to prove who’s the best pound for pound-fact,’ wika ni Leonard.
Usapin sa blood testing bilang bahagi sa ipaiiral na drug test ang nagiging hadlang na matuloy ang pinananabikang laban dahil si Mayweather ay nagnanais ng cut off date na 14 days bago ang takdang laban habang si Pacquiao naman ay payag 24 days bago ang sagupaan.
May mga nagpapahiwatig na maisasaayos ang problemang ito at matutuloy ang laban pero ang lahat ng ito ay nakabinbin dahil abala pa si Pacquiao sa gagawing pambansang halalan sa Lunes na kung saan tumatakbo ito bilang Kongresista sa Sarangani.
Tulad ng ibang nananawagan na maikasa ang laban, may pananabik din si Leonard na makita ang sagupaan at ngayon nga ay walang mapili sa kung sino kina Pacquiao at Mayweather ang mananalo dahil tunay na parehong mahusay ang dalawa.
“It’s a toss-up, a pick-em fight. Both guys, Pacquiao and Mayweather were quite impressive in their last fights and the anticipation is even greater now, I feel,” dagdag pa ni Leonard.
Parehong nanggaling sa kombinsidong panalo ang dalawang boksingero sa madaling panalo at si Pacquiao nga ay tinalo si Joshua Clottey habang nangibabaw naman si Mayweather kay Sugar Shane Mosley sa parehong unanimous decision tagumpay.