Frustrated si Guiao
Marami ang nagtataka kung bakit sinisisi pa ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang mga referees sa pagkatalo ng Air21 sa Barangay Ginebra, 101-100 noong Miyerkules .
Sa totoo lang, valid din naman ang kanyang mga points dahil parang may foul nga si Willie Miller sa kanilang import na si Reggie Larry. Parang hindi nga ang Express ang may kasalanan sa “over the top” violation.
Pero ang mga ito ay nauna nang nangyari at bahagi ng “judgment” ng mga referees.
Nagkaroon nga ng pagkakataong magwagi ang Express dahil sa kanila napunta ang “last shot” ng game. Naitira ni Ronnie Matias ang bola at tumalbug-talbog ito sa ring bago tuluyang hindi pumasok. Kung pumasok ang wide open side jumper na iyon, aba’y panalo ang Air 21.
Medyo malas lang talaga.
Malaki na sana ang bentahe nila kontra sa Gin Kings dahil sa na-thrown out ang superstar na si Mark Caguioa nang matawagan ito ng flagrant foul penalty two matapos na batuhin ng bola si referee Throngy Aldaba sa second quarter.
Pero sa kabila ng pagkawala ni Caguioa ay nakabalik ang Barangay Ginebra sa malaking kalamangan ng Air21 at nasungkit pa ang panalo.
Iyon ang ikaanim na sunod na kabiguan ng Express na nanatili sa dulo ng standings sa record na 1-7. Ang tangi nilang tinalo ay ang Barako Coffee, 113-108 noong Marso 28.
Aba’y dalawang beses na ngang nagpalit ng import ang Express pero wala pa ring nangyayaring pagbabago at hindi pa rin sila nakakaangat.
Ang una nilang import na si Keena Young ay tumagal ng apat na games at nag-average ng 18.75 puntos, 14.25 rebounds, 3.5 assists, 0.25 steal, 0.5 blocked shot at 3.75 errors sa 38.75 minuto. Siya’y hinalinhan ni Jason Forte na dumating sa bansa para mag-tryout sa iba’t ibang teams sa PBA. Pinagbigyan siya ng Express.
Sa dalawang games, si Forte ay nag-average ng 23 puntos, 16.5 rebounds, tatlong assists, 0.5 steal, 0.5 blocked shot at 2.5 errors sa 38.5 minuto pero nagpatuloy ang pagsadsad ng Express kaya pinauwi din siya.
Pinarating ng Air21 si Reggie Larry na dapat sana’y import ng Purefoods Tender Juicy Giants ngayoy (B-Meg derby Ace) noong nakaraang season subalit nagtamo ng injury. Okay naman ang credentials ni Larry pero patuloy na natalo ang Express kontra sa Talk N Text (120-115) at Gin Kings. Sa dalawang games, si Larry ay nag-average ng 34 puntos, 12 rebounds, dalawang assists, dalawang steals, isang blocked shot at 2.5 errors sa 38.5 minuto.
Magkaganito man ay may nababanaagang pag-asa ang Express dahil sa matinding scorer si Larry. Kung matutulungan siya ng mga locals, aba’y ubrang umangat ang Air21.
Marahil ay napu-frustrate lamang si Guiao sa performance ng kanyang mga bata kung kaya’t napagbubuntunan niya ng sisi ang mga referees.
Ganun talaga ang tendency.
Pero isang panalo lang ay magbabago na ang lahat para sa Air21. Iyan ang tiyak!
- Latest
- Trending