RP lifters bumuhat ng 17 gold sa Asian Powerlifting C'ships
MANILA, Philippines - Kuminang uli ang ipinadalang RP Powerlifting team sa 2010 Asian Powerlifting Championships nang manalo ng 17 ginto, 14 silver at isang bronze medal na nilaro sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Nanguna sa koponan ni Anita Koykka ng basagin din nito ang world record sa squat upang katampukan ang apat na ginto na kinuha sa women’s masters 52 kgs class.
Gumawa ng 353 pounds sa squat si Koykka upang higitan ng isang pound ang dating world record ni Hatsuko Kiura ng Japan noong 2003 para makasama si Lily Pecante na nakagawa ng world record mula Pilipinas.
Ang iba pang gintong medalya ni Koykka ay nakuha sa bench press (165lbs), deadlift (275lbs) at total lift (805 lbs).
Sina Pecante, ang 16-anyos na si Patricia Llena at 5-time world champion Antonio Taguibao ay umani rin ng tig-4 na ginto para katampukan ang magandang ipinakita ng pitong ipinadala sa torneo na ginawa mula Mayo 1 hanggang 6.
Si Pecante ay gumawa ng 440 pounds sa squat, 270 pounds sa bench press, 407 pounds sa deadllift at 1,118 pounds total sa women’s masters 90kgs class, habang si Llena na maglalaro sa Youth Olympic Games ay may 418 lbs sa squat, 396 lbs sa deadlift, 198 lbs sa bench press at 1,014 pounds total sa 67.5 kg class upang maibulsa rin ang Asian Sub-Junior Best lifter trophy.
Ang ginawa rin ni Llena sa squat, deadlift a total ay bagong Asian Sub-junior records.
Ang huling ginto ay hatid din ng 19-anyos na si Betina Bordeos sa women’s junior 60 kg bench press sa 165 pounds.
Umabot sa 14 bansa at 243 lifters ang sumali sa anim na araw na kompetisyon.
- Latest
- Trending