MANILA, Philippines - Isang one-game suspension at multang P20,000.
Ito ang napala ni Mark Caguioa matapos ibato ang bola kay referree Throngy Aldaba sa second period sa 101-100 panalo ng Barangay Ginebra sa Air21 noong Miyerkules sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Sinabi ni Philippine Basketball Basketball Association (PBA) Commissioner Sonny Barrios na iuupo ni Caguioa ang laro ng Gin Kings sa B-Meg Derby Ace Llamados bukas sa Big Dome.
Sa isang fastbreak play, hindi sinasadyang naharangan ni Aldaba si Caguioa sa paghahabol sa pasa ni Jayjay Helterbrand kontra kay Express’ import Reggie Larry.
Sinabi ng 2001 PBA Rookie of the Year awardee na hindi niya nakita si Aldaba sa sandaling ibinalibag niya ang bola sa sideline.
Ibinato ni Caguioa ang bola sa dibdib ni Aldaba na nagresulta sa kanyang pagkakatalsik sa 5:07 ng second period base sa Flagrant Foul Penalty 2 (FFP2) sa ilalim ng PBA Playing rules.
“We cannot rule on intentions of offenders as it would be dangerous to read one’s intentions. Instead, we rule on one’s actions,” ani Barrios. “Was the ball thrown at the referee? Was the referee hit by the ball? “
Inihalimbawa rin ni Barrios ang kaso ni Brandon Cablay ng Alaska na nabigyan rin ng FFP2 nang paglaruan ang bola at hindi sinasadyang tamaan ang dating kakamping si Mike Cortez ng Air21.