Express nasilat ng Gin Kings

MANILA, Philippines - Napatalsik sa laro si Gin Kings guard Mark Caguioa sa second period dahil sa pagbato niya ng bola kay referee Throngy Aldaba sa fastbreak play na nagresulta sa kanyang Flagrant Foul 2 at iminintis ni Express forward Ronnie Matias ang isa sanang potensyal na game-winning jumper.

Sa itinuring ni coach Jong Uichico na larong kanilang naipatalo, inilusot ng Barangay Ginebra ang dramatikong 101-100 panalo laban sa Air21 para makabangon sa kanilang dalawang sunod na kamalasan sa elimination round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.

“t could have gone in­side,” ani Uichico sa jump shot ni Matias mula sa pasa ni Mike Cortez na umagaw sa offensive rebound ni import Mildon Ambres makaraan ang mintis ni Eric Menk.

Itinaas ng Ginebra ang kanilang kartada sa 4-3 sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (7-1), Talk ‘N Text (6-2) at Coca-Cola (4-4) kasunod ang Rain or Shine (3-3), Derby Ace (3-3), Alaska (3-3), Sta. Lucia (3-4), Barako Coffee (2-6) at Air21 (1-7).

Matapos masipa sa laro si Caguioa sa 5:07 ng second quarter kung saan naghahabol ang Gin Kings, 42-46, ipinoste ng Express ang isang 15-point lead, 82-67, sa 2:54 ng third period mula kina import Reggie Larry, Ronjay Buenafe, Beau Belga at Cortez.

Isang mahabang 30-5 atake naman ang ginawa ng Ginebra sa likod nina Ambres, Rico Villanueva, Ronald Tubid at Eric Menk upang ilista ang isang 12-point advantage, 97-85, sa 4:49 ng final canto. 

Makaraang itala ng Gin Kings ang 101-95 ben­tahe sa 2:14 ng laro, isi­nalpak ni Buenafe ang isang three-point shot kasunod ang basket ni Larry mula sa kanyang agaw kay Willie Miller para idikit ang Express sa 100-101 agwat sa huling 1:16.

Dalawang sunod na mintis na jumper ni Menk para sa Ginebra at agaw ni Cortez kay Ambres ang nagbigay sa Air21 ng hu-ling pagkakataon.

Ngunit tumalbog ang potensyal na winning basket ni Matias buhat sa pasa ni Cortez kasabay ng pagtunog ng final buzzer.

Ginebra 101 - Ambres 26, Menk 19, Miller 12, Caguioa 10, Tubid 9, Wilson 8, Villanueva 6, Helterbrand 6, Hatfield 5, Cruz 0.

Air 21 100 - Larry 30, Buenafe 24, Belga 13, Gonzales 7, Cortez 7, Sharma 4, Rodriguez 3, Kramer 3, Ritualo 3, Williams 2, Matias 2, Alvarez 2, Billones 0.

Quarters: 26-30, 55-63, 74-82, 101-100.

Show comments