RP 'sports greats' pararangalan bukas sa Hall of Fame
MANILA, Philippines - Ito ang gabi ng pagbibigay ng rekognisyon at pagkilala sa kontribusyon ng unang grupo ng mga sports personalities at national team na iluluklok sa Philippine Sports Hall of Fame bukas sa Maynilad Hall ng Manila Hotel.
Ang mga pararangalan ay sina boxing greats Gabriel “Flash” Elorde, Franciso “Pancho Villa” Guilledo at Ceferino Garcia, Olympians Teofilo Yldefonso, Simeon Toribio, Miguel White, ang mag-amang sina Jose Luis “Cely” Villanueva at Anthony Villanueva, basketball player Caloy Loyzaga at ang 1954 national basketball team.
Tanging sina Loyzaga at Anthony Villanueva ang nabubuhay. Ngunit ang mga kinatawan ng mga namayapa ay pahahalagahan rin sa okasyon na pamumunuan ni Chief Justice Reynato Puno bilang guest of honor.
Dadalo rin sa seremonya sina Hall of Fame organizing committee head Arturo Macapagal ng Philippine Olympians Association at vice-chair Harry Angping ng Philippine Sports Commission.
Makakasama nina Macapagal at Angping ang mga miyembrong sina dating Pangasinan Rep. Ranjit Shahani ng House Committee on Sports, ang may-akda ng Hall of Fame, Tagaytay Mayor Abraham Tolentino ng cycling, Red Dumuk at Philippine Sportswriters Association president Teddyvic Melendres.
Magbibigay si Angping ng P100,000 cash reward para sa mga iluluklok.
Si Elorde ang naging WBC super featherweight champion sa loob ng pitong taon hanggang noong 1967, habang si Guilledo ang unang Filipino world champion nang pagharian ang flyweight class mula 1923 hanggang 1925.
Tinanghal na world middleweight champion si Garcia mula Oktubre ng 1939 hanggang Mayo 1940.
Si Yldefonso ang umangkin sa unang Olympic medal ng bansa nang languyin ang bronze sa men’s 400m breaststroke sa 1928 Amsterdam Games at sa 200m breaststroke noong 1932 sa Los Angeles.
Sa 1932 Olympics rin iniuwi ni Toribio ang bronze medal sa men’s long jump, habang sinuntok ni Cely ang bronze medal sa bantamweight division at tansong medalya rin ang sinikwat ni White sa men’s 400-m hurdles sa 1936 Berlin Games.
Kinuha naman ni Anthony ang unang silver medal ng bansa sa Olympics mula sa kanyang runner-up finish sa featherweight division ng 1964 Tokyo Games.
- Latest
- Trending