MANILA, Philippines - Hindi nababahala si POC Chief of Mission Joey Romasanta sa pagkakaantala sa preparasyon ng Pambansang koponan para sa Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
“Kahit nga si Manny Pacquiao two months lang ay nakakapaghanda sa malaking laban, ang mga atleta rin natin ay kayang makapaghanda lalo nga’t mahaba-haba pa ang panahon bago ang Asian Games,” wika ni Romasanta.
Tumahimik ang preparasyon ng bansa dahil inaantay munang matapos ang gaganaping Pambansang eleksyon na isasagawa sa Mayo 10.
Kailangang malaman muna kung sino ang mananalong bagong Pangulo ng bansa lalo nga’t hindi magkasundo ang pamunuan ni POC president Jose Cojuangco Jr. at si PSC chairman Harry Angping.
Si Cojuangco ay tiyuhin ni Presidentiable at Senador Benigno “Noynoy” Aquino at nananalig sila na kung manalo ito ay magkakaroon ng lubusang suporta ang palakasan ng bansa.
Nauna nang nagsabi si Cojuangco na hahanap ng pondo mula sa pribadong sektor upang tustusan ang anila’y karapat-dapat na masama sa koponan.