Aquino nagbida sa panalo ng Realtors
MANILA, Philippines - Minsan lamang magpasikat si Marlou Aquino.
At tiniyak niyang hindi ito makakalimutan ni coach Boyet Fernandez.
Humakot ang 6-foof-7 na si Aquino ng 20 puntos para magbida sa 108-94 paggupo ng Sta. Lucia sa bumubulusok na Coca-Cola sa elimination round ng 2009-2010 PBAFiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Siguro na-challenge din siya dahil ka-match-up niya sina Asi (Taulava) at Cap (Dennis Espino) and he’s our only legit big man,” ani Fernandez sa 1996 PBA Rookie of the Year awardee.
Sumasakay ngayon ang Realtors sa isang two-game winning streak, habang nahulog naman sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan ang Tigers.
May 3-4 rekord ang Sta. Luia sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (6-1), Talk ‘N Text (5-2), Derby Ace (3-2), Alaska (3-2), Ginebra (3-3) at Rain or Shine (3-3) kasunod ang Coke (4-4), Air21 (1-5) at Barako Coffee (1-6).
Samantala, asam naman ng Beermen ang kanilang pang anim na sunod na ratsada sa pakikipagsagupa sa Llamados ngayong alas-6:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa unang laro sa alas-4 ng hapon, target ng Aces ang kanilang pangatlong dikit na panalo at ikalawa matapos mahugot si Cyrus Baguio mula sa Gin Kings para kay two-time PBA MVP Willie Miller.
“Siyempre, B-Meg Derby Ace ‘yan, parang mga manok na panay ang talon kaya we have to play harder against them,” ani San Miguel mentor Siot Tanquingcen sa Derby Ace ni Ryan Gregorio.
Muling ibabandera ng Beermen sina Best Import Gabe Freeman, Dondon Hontiveros, Jay Washington, Arwind Santos at Denok Miranda katapat ang bagong hugot na si Clif Brown at sina James Yap, Marc Pingris, Roger Yap, Rafi Reavis at Rico Maierhofer ng llamados.
- Latest
- Trending