Draw ikinasa ni So vs Chinese GM
SUBIC, Philippines - Muling nakakuha ng pagkakataon si GM Wesley So para sa korona ng World Chess Cup.
Nakipag-draw ang 16-anyos na si So kay GM Zhou Jianchao ng China para tumabla sa second hanggang fifth places sa 9th Asian Individual Chess Championships sa Subic Exhibition and Convention Center.
Naganap ang draw matapos ang 14 moves ng Berlin opening o halos 10 minuto pa lamang sa kanilang laro.
Ngunit sapat na ito para masikwat ni So ang isa sa limang tiket patungo sa 2011 World Chess Cup sa Khanty-Mansiysk, Russia.
Sa overall standings, nagtala si So ng 6.5 points mula sa kanyang limang panalo, tatlong draw at isang talo.
Si GM Ni Hua ng China, tumalo kay So sa seventh round, ang nanguna sa torneo mula sa kanyang 7.0 points upang ibulsa ang top prize na US$6,000.
Makakasama nina Ni at So sa 2011 World Cup sina GM Abhijit Gupta ng India, Zhou at top seed GM Le Quang Liem ng Vietnam, na nagposte rin ng 6.5 points.
Binigo ni Le, ang highest-rated player sa torneo mula sa kanyang ELO rating na 2689, si GM Liren Ding ng China para angkinin ang pang lima at huling silya sa World Cup.
“I’m happy to make it to the World Cup again,” wika ni So, ginitla sina GMs Gata Kamsky ng United States at Vassily Ivanchuk ng Ukraine sa 2009 World Cup.
“I really wanted to finish the tournament unbeaten, but I committed a slight mistake and he (Ni) was quick to capitalize,” dagdag pa ni So.
Sa women’s division, nagreyna naman si WGM Atousa Pourkashiyan mula sa kanyang 7.0 points upang kunin ang premyong US $3,000.
- Latest
- Trending