Gomez nakipag-draw kay sasikiran
SUBIC, Philippines - Napanatili ni Filipino GM John Paul Gomez ang kanyang tsansa para sa isa sa limang silya sa 2011 World Chess Cup nang maka-draw si GM Krishnan Sasikiran ng India sa pagpapatuloy ng 9th Asian Individual Chess Championships sa Subic Exhibition and Convention Center.
Patuloy na humahabol si Gomez kay solo leader GM Wesley So kasabay ng pagpapalakas sa kanyang pag-asa para sa 2011 World Chess Cup sa Khanty-Mansiysk, Russia.
Nakipag-draw naman si So, hangad ang kanyang ikalawang sunod na World Cup appearance, kay GM Gopal Narayanan Geetha ng India.
Nakipagkasundo si So kay Geetha matapos ang moves ng Sicilian-Najdorf.
Kailangan lamang ng 16-anyos na si So, ang highest-rated player ng bansa mula sa kanyang ELO rating na 2665, ng dalawang panalo para pagharian ang torneo at angkinin ang premyong $6,000.
“I’ll just play my game and see what happens,” sabi ni So.
Samantala, tinalo naman ni IM Ronald Dableo si FM Timothy Chan ng Singapore, habang binigo ni IM Rolando Nolte si FM Soon Wei ng Brunei at pinayukod ni Jony Habla si WIM Rout Padmini ng India.
Natalo naman si World Cup veteran GM Darwin Laylo kay IM Nguyen Than Son ng Vietnam na tuluyan nang sumibak sa kanya para sa Top 5.
Ang iba pang nasa losers list ay sina Allan Macala, Haridas Pascua, Richard Bitoon, IM Oliver Dimakiling, Lyndon Lumangcas, Paulo James Florendo, Randy Segarra, Joseph Galindo at Luke Matthew de Leon.
- Latest
- Trending