No. 2 spot inupuan ng UST belles
MANILA, Philippines - Bumangon ang UST sa kabiguan sa first set nang ipanalo ang sumunod na tatlong sets laban sa University of St. La Salle Bacolod para makuha ang number two spot sa Group A sa idinadaos na Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Biglang nag-init ang paglalaro nina Maika Ortiz, Aiza Maizo at Maru Banaticla matapos hiyain ng Lady Archers sa unang set tungo sa 18-25, 25-20, 25-21, 25-9, panalo sa ligang inoganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT My DSL sa suporta rin ng Shakey’s Pizza.
“Malamya ang simula pero nakarekober naman ang team. Maganda na rin ang panalo lalo nga’t mula kami sa talo sa last game,” wika ni UST coach Shaq Delos Santos.
Dinaig ng San Sebastian sa huling asignatura, tinapos pa rin ng Lady Tigresses ang kampanya sa single round sa Group A taglay ang pumapangalawang 3-1 karta kasunod ng 4-0 baraha ng Lady Stags.
Si Ortiz ay naghatid ng 16 hits, may 13 naman si Banaticla at si Maizo ay nag-ambag ng 15 puntos at apat na blocks para makaabante sa quarterfinals ng ligang suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond taglay ang winning momentum.
Dahil naramdaman na pahirap nang pahirap ang kompetisyon, nais ibalik ni Delos Reyes ang dating pambato ng koponan na ngayon ay national player na si Mary Jean Balse para maging ikalawang guest player sa susunod na yugto ng aksyon.
Si Michelle Laborte na guest player ng La Salle ay mayroong 13 puntos para pangunahan ang koponang nalaglag sa 1-2 baraha pero nakatiyak pa rin ng puwesto sa quarterfinals dahil ang FEU ang namaalam sa kanilang grupo nang hindi makatikim ng panalo sa apat na laro.
Samantala, sinikap ng Ateneo na makabangon mula sa kanilang pagkakadapa sa first set upang itakas ang 26-24, 25-16, 25-19 panalo upang trangkuhan ang solong pangunguna sa Group B sa ikalawang sultada.
Ibinangon ni File Cainglet, na nasa ikatlong sunod na paglalaro bilang reserve, ang Lady Eagles mula sa 17-23 pagkakahuli sa opening set patungo sa kanilang pagwalis sa Lady Pirates para sa kanilang ikatlong dikit na panalo. Bumagsak naman ang Lyceum sa 2-1 win-loss slate katabla ang Adamson.
- Latest
- Trending