MANILA, Philippines – Apat na beses na pinatumba ni Milan Melindo si Thai challenger Komrit Twins Gym upang selyuhan ang dominanteng ipinakita para maidepensa ang hawak na WBC Youth Intercontinental flyweight title nitong Sabado sa The Lodge, Chi Garden, Dubai.
Agad ngang ipinatikim ni Melindo ang kanyang mababangis na kamao nang mapabagsak ng dalawang beses si Komrit sa unang round at isa pa sa second round.
Hindi man tumumba sa ikatlong yugto ay bugbog naman ang pamalit na challenger at tinangka ngang manggulang sa pamamagitan ng headbutt na nakita naman ni referee Bruce McTavish para mabawasan pa ng puntos.
Sa ikaapat na round ay tumodo na ang 22-anyos na si Melindo at magkakasunod na suntok sa bodega ng kalaban ay nagresulta upang kusa na itong tumupi sa isang kanto tungo sa fourth round KO sa 1:23 ng yugto.
Ang panalo ay ika-21 sunod ni Melindo bukod pa sa pang-anim na knockout habang si Komrit ay nalaglag sa ikaapat na talo sa 19 laban.
Si Komrit na nagbalik sa ring matapos ang tatlong taong pamamahinga ay hinugot nang hindi makaalis si Devis Perez ng Columbia dahil sa epekto ng pagputok ng bulkan sa Ireland.
Ang tagumpay ni Melindo ay naglagay ng tuldok sa pangingibabaw ng mga boksingero ng bansa na mula sa Ala Stable.
Makinang na pagbabalik naman ang ipinakita ni Rey “Boom Boom” Bautista nang hiritan ng sixth round knockout sa 1:59 sa orasan si Saichon Sotornpitak ng Thailand habang si Larry “Bon Jovi” Canillas ay humirit ng sixth round TKO panalo laban kay Fred Sayumi ng Tanzania.
Ang panalo ni Bautista ay kanyang ika-28 panalo sa 30 laban bukod pa sa nasungkit na ika-21 KO. Ito rin ang unang laban ng tubong Tagbilaran, Bohol matapos mapahinga sa loob ng anim na buwan bunga ng injury sa kamay.
Dalawang beses na pinakapit sa lona ni Canillas si Sayuni sa sixth round na naging daan upang mabugbog nang husto ang Tanzanian na bumaba sa ibabaw ng ring na duguan ang kaliwang mata.
Ang tagumpay ay nagbigay kay Canillas ng siyam na knockout sa 10 panalo.
Nakatakdang bumalik sa bansa ang tatlong Pinoy fighters ngayong gabi.