Megaranto sumalo sa liderato kina So, Yu sa Asian chessfest
SUBIC, Philippines – Pinayuko ni GM Susanto Megaranto ng Indonesia ang second seed GM na si Krishan Sasikiran ng India upang itulak ang three-way tie para sa liderato kasalo sina GM Wesley So ng Philippines at GM Yu Yangyi ng China sa third round ng 2010 Asian Individual Chess Championships sa Subic Exhibition and Convention Center dito.
Pinisak ni Megaranto, isa sa dalawang Indonesians na kalahok sa mahigpitang 89-player field, ang paboritong Indian champion sa kanilang matensyong endgame na labanan na inabot ng halos hatinggabi upang umagaw ng eksena kina So at Yu.
Ginapi naman ni So ang kababayang IM na si Oliver Barbosa sa 56-moves ng Slav upang manatiling perpekto ang kanyang kampanya taglay ang 3 puntos sa prestihiyosong 9-round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa kooperasyon ng Philippine Sports Commission, Deparment of Tourism, PCSO, PAGCOR at Subic Bay Metropolitan Authority.
Pinataob naman ni Yu si IM S.P. Sethuraman ng India.
May kalahating puntos na layo sa tatlong nabanggit na lider ang apat na Chinese players--sina GM Ni Hua, GM Li Chao, GM Ding Liren at Yu Ruiyuan na may tig-2.5 puntos.
- Latest
- Trending