Barbosa nasorpresa kay So

SUBIC , Philippines -- Idinagdag ni GM Wesley So sa kanyang mga naging biktima ang kababayang IM na si Oliver Barbosa matapos na umiskor ng 56-move na pa­nalo sa kanilang Slav duel sa third round ng 2010 Asian In­dividual Chess Championships at the Subic Exhibition and Convention Center dito kagabi.

Ipinagpatuloy ni So ang kan­yang pananalasa gamit ang bagong estilo kung saan pumabor sa kanya ang pagkakaroon ng mga puting piyesa at mautak na dinala ang laro sa drawish end­game upang masikwat ang kanyang ikatlong dikit na panalo sa prestihiyosong nine-round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa kooperasyon ng Philippine Sports Commission, Deparment of Tou­rism, PCSO, PAGCOR at ng Subic Bay Metropolitan Authority.

Ipinuwersa ng 16-anyos Filipino champion, na planong hu­wag munang pumasok sa ko­lehiyo ngayong taon upang ipursige ang kanyang chess career, ang pakikipagpalitan ng queens bago pa maubos ang unang time control at hawak niya ang magandang posisyon sa endgame na may dalawang aktibong rooks at dalawang bi­shops bukod pa ang pawn laban sa dalawang rooks at dalawang knights ni Barbosa.

 “He (Barbosa) made a slight mistake in the opening. Napilit ko yung exchange of queens ka­ya medyo nakalamang sa endgame. Before the exchange, unclear pa yung position,” ani So.

Ang panalo, ikatlo sa ganoon ding dami ng laro ang nag­ha­tid kay So na makasalo sa pa­­ngunguna ang provisional leader Chinese GM Yu Yangyi na pinisak naman si IM S.P. Se­thuraman ng India.

Kalahating puntos ang agwat nina So At Yu kayn GM Ni Hua ng China na may 2.5 puntos ma­tapos walisin sa pamamagitan ng default laban kay GM Mohammed Al-Sayed ng Qatar.

Nauna rito, ginitla Oliver Barbosa si GM Abhijeet Gupta ng India se­­cond round.

May 2-1 marka ngayon si Barbosa matapos talunin ang 16th-seeded na si Gupta.

Bago igupo si Gupta, iginupo muna ng dating San Sebastian College mainstay sa first round si Luke Matthew de Leon.

 Tinalo ni Sasikiran si IM Ho­mayoon Toufighi ng Iran sa kanilang top board encounter, habang binigo ni Megaranto si FM Randy Segarra at ginitla ni Yung si IM Kiril Kuderinov ng Ka­zakhstan.

Sa women’s division, binigo ni WIM Beverly Mendoza si WFM Essa Al-Zarouni ng UAE, habang tumabla si Dresden Olympiad veteran Christy Lamiel Bernales kay WFM Naifisa Mu­minova ng Uzbekistan.  

Show comments