MANILA, Philippines - Mula sa pagiging isang national boxer, si Mitchel Martinez ngayon ang kauna-unahang head coach ng national women’s boxing team.
Mula nang magretiro matapos sumuntok ng huli niyang gintong medalya sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos noong Disyembre, sineryoso na ng 34-anyos na si Martinez ang pagiging mentor ng mga national pugs.
“Iba na ang responsabilidad mo ngayon. Siyempre, nu’ng boxer ka, iisipin mo ‘yung training. Pero kapag coach ka na malawak na ‘yung responsabilidad mo eh,” sabi ng dating lightweight na si Martinez.
Si Martinez, gold medal winner sa 2005 Philippine SEA Games, ang siya ngayong gumagabay kina bantamweight Annie Albania, flyweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri.
“Iyong personal problem ng atleta mo iintindihin mo. Minsan kailangan mo rin silang kausapin kung bakit ganito ‘yung mood niya, kung may problema ba siyang hindi niya masabi sa mga lalaking coach,” dagdag ni Martinez, ang unang Asian woman boxer na nanalo ng gintong medalya sa Asian Championships.
Sa nakaraang Asian Indoor Games sa Hanoi, Vietnam, sumuntok si Albania ng gold medal, habang silver ang naiuwi ni Martinez at bronze naman nasikwat ni Gabuco.
Para sa mga darating na mga international competitions kagaya ng 2011 SEA Games sa Indonesia, kumpiyansa si Martinez sa ipapakita ng kanyang mga alagad.